400 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines ang bawat isa na tularan ang pagtugon ni Maria sa tawag ng Panginoon.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, MI, Executivce Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Healthcare (ECHC) sa paggunita sa Pandaigdigang araw ng mga may sakit kasabay ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
“Nawa ‘yuong pagtugon ni Maria sa tawag ng Panginoon, ang kanyang Fiat at Yes sa misyon ng Panginoon, nawa ganun din tayo,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng pari na sa kabila ng banta ng pandemya, ang pinaghahandaang paggunita sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa ay kinakailangang gampanan ang misyong iniatas sa atin ng Panginoon upang mapaglingkuran ang ating kapwa lalo na ang mga nangangailangan ng higit na atensyon.
Ayon kay Fr. Cancino na nawa’y tulad ni Maria ay tumalima rin tayo sa misyon ng Panginoon sa atin na kalingain ang nakararanas ng suliranin sa buhay lalo’t higit ang mga may matitinding karamdaman.
“Sa panahon ng pandemya ang ating yes na sinasabi nga na yung 500 Years of Christianity, yung ating yes sa misyon ng Panginoon ay kinakailangan,” ayon sa pari.
Bilang bahagi pa rin ng paggunita sa World Day of the Sick, isinasagawa naman ng CBCP-ECHC sa buong buwan ng Pebrero ang mga online recollections at seminar para sa mga may karamdaman.
Pagbabahagi pa ni Fr. Cancino na ngayong araw ay isinasagawa sa iba’t ibang Diyosesis at Parokya sa buong bansa ang mga misa alay sa mga may sakit gayundin sa mga tagapangalaga nito.
“May mga online talks tayo on mental health, on COVID-19 Vaccination, on Pastoral Care for the Sick, online talks on Counceling, ang dami ngayon at hindi lang ngayong araw na’to, ito po ay buong buwang ng February,” ayon sa opisyal ng kalipunan ng mga Obispo.
Dagdag pa ni Fr. Cancino na ang Healthcare Ministry ng CBCP ay magsasagawa rin ng mga townhall online meeting kaugnay sa COVID-19 Vaccination.
Inaasahang dadaluhan ito ng mga kaparian, Obispo at iba pang naglilingkod sa simbahan upang ipalaganap na ang simbahan ay nakikiisa sa layunin ng pamahalaan na malunasan na ang suliranin ng pandemya sa bansa.