358 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) sa paglala ng “Asian hate crimes” sa Estados Unidos sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos – Vice Chairman ng kumisyon, pagkakaisa at pagtutulungan ang higit na dapat na manaig sa gitna ng patuloy na pagharap ng lahat sa banta ng COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag ng Obispo na siya ring Pangulo ng International Catholic Migration Commission (ICMC) – Asia-Ocenia Working Group na hindi naaangkop ang anumang uri ng pang-aabuso at pagpapalaganap ng galit laban sa anumang lahi tulad ng mga Asyano.
Sinabi ni Bishop Santos na sa halip na magpalaganap ng galit na magdudulot pagkakawatak-watak at karahasan ay mas dapat higit na manaig ang pagkakaisa at paggalang sa mga karapatan, kulay, kultura, pananamapalataya at pinagmulan ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya.
“With this problematic and perilous Covid19 pandemic, what we have to show are mutual sympathy and selfless services. What we must do is to help and to heal. We must not resort to finger pointing nor reject hate. Hate leads to division and will only fan violence. And violence would never be a solution to any crisis or conflict. Our road to recovery is respect of oneself, of others’ creed, culture and colour. One should be more responsible towards common good and community wellbeing.”pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo ang pananalangin para sa kapakanan at kaligtasan partikular na ng mga Filipino sa Estados Unidos na lantad rin sa mga karahasang may kaugnayan sa pagtatangi sa mga Asyano sa bansa.
Ipinapanalangin rin ni Bishop Santos ang pagpapanibago ng puso ng mga nagpapalaganap ng galit sa kapwa upang manaig sa bawat isa ang pagmamahal, kapayapaan at pagtutulungan ngayong panahon ng pandemya.
Pinayuhan naman ng Obispo ang mga immigrants sa Estados Unidos na manatiling kalmado at maging daluyan ng pag-ibig ng Panginoon.
“We, at CBCP ECMI, pray for peace and harmony especially for our migrants and immigrants affected with rising Hate Crimes in those affected places. We offer our Holy Masses that everyone will have change of heart and would be “Good Samaritan” (Luke 10,25ff) to one another. We kindly remind our migrants and immigrants to remain calm and compassionate; and continue to be “brothers’ keeper” (Genesis 4,9) to anyone whom they meet along the road of life.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Naunang nagpahayag ng pagkabahala ang embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos dahil sa pagtaas ng kaso ng hate crimes laban sa mga Asyano.
Nanawagan na rin ang embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos sa mga otoridad na paigtingin ang proteksyon sa mga Asyano kasunod ng lumalalang hate crimes ngayong panahon ng pandemya.
Tinatayang mayroong mahigit sa 2-milyon ang bilang ng mga Filipino Immigrants sa Estados Unidos na sinasabing bumubuo sa 4.5-percent ng 44.7-million immigrants sa bansa at isa may pinakamalaking bilang ng Immigrant population sa United States noong 2018.