161 total views
Nanawagan si Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad sa mga bandidong Abu Sayyaf sa bantang pugutan ng ulo ang bihag nilang Canadian national na si Robert Hall kapag hindi mabayaran ang hinihiling nilang P600 milyong ransom.
Ayon kay Bishop Jumoad, maghinay – hinay at pag – isipang mabuti ng naturang grupo na imposibleng maibigay ang hinihinging napakalaking salapi.
Pinaalalahanan rin nito ang grupo sa maaaring maulilang pamilya ni Hall sakaling ituloy nila ang pagpugot sa ika – 13 ng Hunyo.
Iginiit pa ng Obispo sa bandidong grupo na manaig nawa ang awa mula kay Allah sa kanilang mga puso at iwaksi ang pansariling interes at dahas na taliwas sa kagustuhan ng Diyos.
“I hope the Abu Sayyaf will think it over because uneasy money is not that very commendable because kailangan nilang bigyan ng freedom yung mga hostages nila kasi po ang mga hostages ay may mga pamilya. Maawa sana sila sa mga anak, asawa ito po ang masasabi ko para sa mga Abu Sayyaf bigyan ng kalayaan ang mga hostages because Allah is a God of Mercy and if they continue holding their hostages because of money. Then, money does not give us real treasure in life it is our acts of mercy that would bring us to paradise,” bahagi ng pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok rin nito ang gobyerno na gumawa ng mapayapang paraan upang mailigtas ang mga bihag ng Abu Sayyaf.
“Sana ang gobyerno maging matatag and they have to really run after the Abu Sayyaf and no let acts may be done and instead they must pretentiously pursue the rebels I should say,” giit pa ni Bishop Jumoad sa Radyo Veritas.
Magugunita na tatlong linggo pa lamang ang nakalilipas ng pugutan si John Ridsdel.
Dinukot sina Hall, Ridsdel at ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad at ang Filipina na si Marites Flor noong Setyembre 2015 sa Samal Island, Davao del Norte.