359 total views
Magpupulong ang mga opisyal ng Episcopal Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ito ang ibinahagi ni Taytay Palawan Bishop – designate Broderick Pabillo sa Radio Veritas kasunod ng pagkakahalal nito bilang chairman ng bagong tatag na komisyon ng CBCP.
Ayon sa obispo tatalakayin nito ang mga guidelines at mga programa ng komisyon na tututok sa pagpapalawak ng ‘stewardship’ sa mga diyosesis at mga simbahan sa buong bansa.
“Magpupulong pa kami next week para pag-usapan ang tungkol dito sa stewardship office,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ayon kay CBCP Secretary General Msgr. Bernardo Pantin, ang pagbuo sa stewardship office ay naglalayong matulungan ang mga diyosesis sa pagpapatupad ng mga programa kasabay ng pagbuwag ng arancel system ng simbahan.
Matatandaang 2017 nang maglabas ng pastoral letter ang Ecclesiastical Province of Manila hinggil sa ‘stewardship’ at ang pagtanggal ng arancel system batay na rin sa Second Plenary Council of the Philippines.
Muling pinagtibay ng CBCP ang nasabing kautusan bilang kaloob sa mananampalataya sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng bansa.
Sa pastoral statement ng CBCP nitong Enero tiniyak nito ang paghuhubog at katesismo sa ‘spirituality of stewardship’ sa mga pari, relihiyoso at higit sa lahat sa mga layko.
Ang arancel system ay kaukulang bayad sa mga sakramento bilang tulong sa patuloy na pagpapatakbo at gastusin ng simbahan.
Bago pamunuan ni Bishop Pabillo ang stewardship office ng CBCP,siya rin ang kasalukuyang pinuno ng Commission on the Laity na magtatapos ang termino sa Nobyembre 30, 2021.
Bukod sa Archdiocese of Manila na nagtanggal ng arancel system, inalis na rin ito ng Diyosesis ng Balanga at maging sa ilang diyosesis sa Visayas at Mindanao.