435 total views
Kapanalig, sa hirap ng makabili ng bahay at lupa sa Pilipinas, marami sa ating mga Filipino ang walang choice kundi umupa na lamang ng matitirhan.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nasa Metro Manila ang pinaka-malaking bilang ng mga umuupa o renters. 37% ng lahat ng bilang ng nangungupahan sa bansa ay nasa Metro Manila. Ayon sa pag-aaral ng PIDS, karamihan sa mga umuupa ng tirahan na may halagang dalawang libo pababa ay hindi mainam ang kinalalagyan. Marami sa kanila, kulang sa basic facilities, gaya ng supply ng tubig. Ang iba, sobrang liit at masikip. Dahil sa hirap ng buhay, napipilitan silang tanggapin ang ganitong sitwasyon.
Nakita rin ng pag-aaral na ito na medyo mahal o di kaya over-priced na ang mga ibang mga tahanang inuupahan. Ang ibang mga low-cost housing kapanalig, P5,000 kada buwan lamang ang halaga, may sariling CR at kwarto na ang tahahan. Sa mga ibang inuupahan, ang P5,000 ay halos bedspace lamang, at nakikihati pa sa pag-gamit ng CR.
Mahirap umupa, kapanalig at hindi naman mapapa-sa-iyo ang bahay na iyong binabayaran kada buwan. Kaya lamang, napakamahal bumili ng bahay at lupa malapit sa trabaho, kaya’t kapit na sa patalim ang marami nating kakabayan.
Maliban pa dito, tila hindi alam ng marami ang ukol sa Republic Act (RA) 9653 o rent control law. Ito ay ang batas na naglalayon na kontrolin ang pagtaas ng upa sa bansa at sugpuin ang arbitrary o biglaang pag-taas ng renta. Dahil dito, tanggap na lamang tayo ng tanggap ng pagtaas kahit na mali pa ang halaga na inaatang sa atin.
Nasa puso ng isyu ng kahirapan sa pagrenta ay ang kahirapan na makabili ng bahay sa bansa. Ang mga inaalok ng pamahalaan na mura ay nasa malalayong lugar kung saan walang katiyakan ang trabaho ng mga mamamayan. Kaya ang mga nalilipat doon ay bumabalik sa kanilang pinanggalingan at maraming mga pabahay ang iniiwang walang nakatira.
Kapanalig, ang pabahay ay karapatan ng tao, ngunit ito ngayon ay nagiging pribelihiyo na lamang. Upang magkaroon ng bahay kailangan ng malaking halaga ng mga mamamayan para lamang makatira sa lugar kung saan malapit ang trabaho at mga mahahalagang pasilidad. Nakakalungkot man, ngunit ito ang katotohanan.
Kaya nga’t napakahalaga na suriin ang ating panlipunang sistema gamit ang lente ng ating simbahan. Ang panlipunang turo ng ating simbahan ay nagsasabi sa atin na dapat laging ginagalang ang dignidad ng bawat isa, at ang pag-galang na ito ay makikita kung ang kanyang karapatan ay kinikilala at ang panlipunang katarungan ay nasusulong sa bayan. Ang sistema ng pabahay sa ating bayan ay kulang na kulang pa sa tunay na pagmamahal sa tao at kanyang dignidad. Ang sistema ng pabahay sa bansa ay hindi repleksyon ng tunay na panlipunang katarungan. Ayon nga sa Solicitudo Rei Socialis, ang kawalan ng pabahay ay isang senyales ng sunod sunod nating pagkukulang at ng layo ng ating gawi sa tunay na kaganapan ng ating pagkatao bilang anak ng Diyos.