21,587 total views
Ang paggunita ng World Day of the Poor ay tanda ng pagsisilbi kay Hesus bilang Kristong Hari.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa paggunita ng World Day of the Poor sa Linggo, November 19.
Ayon sa Obispo, ito ay paalala na katulad ni Hesus ay kawangis niya ang mga mahihirap kung kaya’t ang pagsisilbi sa mga pinakangangailangan ay kawangis rin ng pagsisilbi sa Panginoong Hesus Kristo.
Umaasa si Bishop Pabillo na bukod sa mismong araw ay maalala parin ng mga maykaya ang mga mahihirap sa anumang pagkakataon upang tunay na mai-angat ang antas ng kanilang pamumuhay at mai-ahon tungo sa sama-samang pag-unlad.
“Matatanggap natin ang kaligtasan ni Hesus kapag tayo ay tumutulong sa kaligtasan ng mg kapatid na mahihirap, so yan po ang kahalagahan ng World Day of the Poor, to become more conscious about the poor and their importance in our coming to Jesus and serving Jesus as our king by serving the poor among us,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Ito na ang ika-pitong paggunita sa buong mundo ng World Day of the Poor matapos ang panawagan ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa kaniyang paglalathala ng apostolic letter na Misericordia et Misera na hinihimok ang bawat isa na paigtingin ang pagmamahal sa kapwa.
Sa bahagi ng Caritas Manila, unang tiniyak ni Father Anton Ct Pascual – Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Social arm ng Archdiocese of Manila ang pakikipag-ugnayan sa mga parokya at iba pang ahensya ng simbahan sa paghahanda ng mga programa bilang paggunita sa ika-pitong World Day of The Poor.