7,687 total views
Nalulugod ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) na unti-unting natutuhan ng mamamayan ang paghahanda sa mga kalamidad.
Ayon kay LASAC Program Officer Paulo Ferrer sa kanilang paglilibot sa mga parokyang apektado ng Bagyong Kristine ay naibahagi ng mga nagsilikas na residente ang pagsalba ng mga Go Bags na isa sa mga pagsasanay na itinuro ng LASAC sa mamamayan.
“Unti-unting namumulat ang kamalayan ng mamamayan sa pagiging handa sa anumang kalamidad sapagkat ito ay parte na ng ating buhay,” pahayag ni Ferrer sa Radio Veritas.
Nilalaman ng Go Bags ang Pagkain at Tubig; Toiletries at Hygiene Kit; Damit, SOS Kit, First Aid Kit, Importanteng Dokumento (Birth Certificate, Marriage Certificate, Land Title, atbp.) at maging pera.
Ibinahagi ni Ferrer na may ilang lugar sa Batangas ang hindi na pinahintulutan ng pamahalaang makabalik ang mga residente dahil mapanganib na itong tirhan.
Sinabi ng opisyal na patuloy ang pagkilos ng LASAC para tugunan ang pangangailangan ng mga lumikas na residente na sa kasalukuyang tala ay nasa mahigit 20, 000.
“Patuloy ang pag-asiste natin sa evacuees, malinaw naman po sa atin sa simbahan na tayo ay augmentation lamang sa ginagawa ng mga lokal na pamahalaan; for us to ensure na hindi magdu-duplicate yung assistance na ibinibigay ang LGU ang tumutulong sa mga evacuation centers habang ang simbahan naman sa in-house evacuees,” dagdag ni Ferrer.
Nasa 2, 400 ang mga pamilyang nasa iba’t ibang evacuation centers ng Batangas habang nasa 18, 000 naman ang in-house evacuees o mga residenteng nakitira sa mga kaanak at kakilala.
Batid ni Ferrer na ang mga ginagawa ng LASAC ay isang misyon bilang bahagi ng simbahang nakatuon sa pagtugon sa pangangailangan ng marginalized at vulnerable sectors ng lipunan.
Bukod sa pagtugon sa mga apektado ng kalamidad nagpapatuloy din ang iba pang programa ng LASAC tulad ng pagsugpo sa kagutuman at kahirapan; resiliency; sustainability, at; trainings and capacity buildings sa mga katuwang ng institusyon.
Matatandaang sa pananalasa ng Bagyong Kristine nagpaabot ang Caritas Manila ng mahigit sa kalahating milyong halaga ng inkind donations na ipinamahagi sa mga residenteng apektado ng kalamidad.