181 total views
Nangako si outgoing Department of Education (DepEd) Sec. Bro. Armin Luistro, FSC na sa pagbaba nito sa pwesto tutulong siya sa Caritas Manila sa programa nitong Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP.
Pinapurihan ni Luistro ang pagiging katuwang ng Simbahan sa pagbibigay ng magandang kinabukasan sa mga kabataan lalo na ng mapakinggan ng kalihim ng edukasyon ang natatanging kwento ng dalawang “outstanding scholars” ng YSLEP mula sa Kabankalan City, Negros Occidental na naging kasambahay.
“Maraming gustong tumulong diyan, ang aking pangako pagbaba ko sa DepEd siguro mas marami na kong panahon para makisama dun sa mga NGO’s na tumutulong sa ganito at baka magkakapit – bisig na rin kami ng Caritas para mapagtulungan natin ito,” bahagi ng pahayag ni Luistro sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok naman ni Luistro ang mga mananampalataya na patuloy na suportahan ang scholarship program ng Simbahan dahil naniniwala ito na ang pagbibigay ng edukasyon ay isang pamana na hindi mababayaran.
“Ako po si Bro. Armin sa DepEd at ako po ay isa sa mga believers na ang ating pagtulong na scholarships lalong – lalo na sa pang–kolehiyo ng ating mga kabataang Pilipino ay isang pamana na hindi natin mababayaran. Ito po ay makapagbibigay sa atin ng napakaraming ligaya na sana kasama po kayo sa lahat ng programa ng Caritas sa pagbibigay ng scholarship lalong – lalo na sa mga nakatapos na ng high school at may pangarap rin namang makatuntong sa kolehiyo,” paanyaya pa ni Luistro sa mga mananampalataya na suportahan ang YSLEP.
Nakalikom naman ng mahigit P5 milyon sa katatapos lamang na Caritas Manila Back–to–School Telethon na isinagawa sa Radyo Veritas upang matulungan ang nasa 5,000 iskolar ng YSLEP.
Nauna na ring ipinaalala ni Caritas Manila Executive Director at Pangulo ng Radyo Veritas Rev. Fr. Anton CT Pascual na ang edukasyon ay isang “equalizer” na makatutulong sa mga mahihirap na mai–angat ang antas ng kanilang pamumuhay.