137 total views
Nakikiramay ang Catholic Bishops Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa mga kaanak ng 50 nasawi sa pag–atake sa Orlando, Florida USA.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, maraming buhay ang nasayang dahil lamang sa maling ideyolohiya at baluktot na pag–iisip.
“Tayo ay nakikiramay at tayo ay nag–aalay ng panalangin at Santa Misa sa mga nasawi sa nangyari at naganap doon sa Orlando, Florida na kung saan mahigit 50 ang nasawi. Ang buhay ay nasayang dahil lamang sa maling ideyolohiya ang buhay ay nawala dahil sa makasalanang pag–iisip at baluktot na layunin,” bahagi ng pakikiramay ni Bishop Santos.
Hinimok rin ng obispo ang bawat isa na isama sa bawat panalangin at Banal na Misa ang mga ikapapayapa ng kaluluwa ng mga nasawi sa naturang insidente.
Pinayuhan rin nito ang pamilyang naiwan ng mga namatay sa insidente na manalig sa Diyos na sila ay bigyan ng katatagan malampasan ang kanilang suliraning kinakaharap.
“Nanalangin tayo sa mga naiwan na maging matatag, maging masipag, higit magtiwala at kumapit sa Diyos at ang Diyos ay hindi sila pababayaan at ang Diyos ang nagbigay sa kanila ng kalakasan at katatagan ng kalooban… tayo ay nanalangin sa buong mundo na ang ating buong mundo ay makaranas nawa ng kapayapaan ng kaisahan at nawala sa bawat isa ang pagkamuhi, ang maling layunin sa isa’t isa,” bahagi ng panalangin ni Bishop Santos sa naturang insidente.
Sa kabila ng pagluluksa, tiniyak ni Florida Governor Rick Scott na babangon ang estado mula sa trahedya.
Sa ngayon 21 pa lamang sa mga nasawi ang napangalanan ng mga awtoridad.
Nauna na ring nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang Kanyang Kabanalan Francisco sa Florida at umaasa ito na kakaharapin at malalampasan nila ito ng may pananampalataya sa Diyos.