34,926 total views
Nanawagan ang Caritas Manila at Radio Veritas ng panalangin para sa mabilis na kagalingan ng pinuno ng dalawang institusyon ng Simbahang Katolika matapos magpositibo sa COVID-19.
Nabatid sa isinagawang RT-PCR swab test na positibo si Rev. Fr. Anton CT Pascual at ilang opisyal at kawani ng Caritas Manila sa COVID-19.
Kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19 si Fr. Pascual sa Cardinal Santos Medical Center habang naka-quarantine naman ang mga kawani ng Caritas Manila na nagpositibo sa nakakahawang sakit.
Matatandaang sa pamumuno ni Fr Pascual, naging aktibo ng Caritas Manila sa pagtugon sa mga pangangailangan dulot ng COVID-19 sa pamamgitan ng pamamahagi ng mga COVID-19 kits, 1.5-bilyong pisong “Gift Certificates” at Caritas Manna packs sa mahigit kumulang 6-milyong indibidwal.
- Simbahan, nakikiisa sa kahirapang nararanasan ng mga taga-Isla Puting Bato
- Mamamayang apektado ng COVID-19 pandemic, bibigyan ng kabuhayan ng Caritas Manila
- Santo Nino de Pandacan parish, pinangunahan ang pamimigay ng tulong sa mga jeepney driver
- Caritas Manila, umani ng papuri sa mga jeepney driver
Pinagpatuloy din ng Caritas ang pagsuporta sa mga batang scholars sa kabila ng pandemya.
Naging aktibo naman ang Radyo Veritas sa pagtugon sa mga pangangailangang kumunikasyon at koordinasyon sa mga simbahan, mga diyosises at LGUs sa panahon ng lockdown at quarantine.
PRAYER POWER
Tuwing alas-sais ng gabi ay nagdarasal at nagrorosaryo ang mga kawani ng Caritas Manila sa pangunguna ni Rev. Fr. Gilbert Kabigting para sa mabilis na paggaling sa COVID-19 ni Fr. Pascual at mga nagpositibo sa sakit.
Kaugnay nito, isinailalim sa “lockdown” ang buong tanggapan ng Caritas Manila sa Jesus St.,Pandacan, Manila mula ika-20 hanggang ika-28 ng Marso, 2021.
Isasailalim ang tanggapan sa dalawang araw na ‘disinfection’. Sa kabila ng lockdown, tiniyak naman ng pamunuan ng Caritas Manila ang patuloy na pagbibigay serbisyo at tulong sa mga nangangailangan lalu na ang mga apektado ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng libu-libong volunteer ng Social Arm ng Archdiocese of Manila na nakakalat sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan.
Mahigit isang taon ng ipatupad ang total lockdown sa buong bansa dahil sa COVID-19 pandemic, patuloy na naging aktibo at nangunguna sa pagbibigay ng tulong sa apektado ng sakit ang Caritas Manila.