183 total views
Mariing kinundena ng Commission on Human Rights ang pagkakapaslang ng isang quarantine violator sa Tondo Manila.
Sa pahayag ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, iginiit nitong nababahala ang komisyon na muling naulit ang pagkasawi ng quarantine violator na nangyari noong nakalipas na buwan nang ipatupad ang mahigpit na panuntunan ng community quarantine.
Binigyang diin ni de Guia na hindi tugon ang karahasan sa lumalalang krisis pangkalusugan na dulot ng coronavirus.
“The Commission has repeatedly stressed throughout the ongoing pandemic that this is a health crisis, not a peace and order agenda. Employing force will not eliminate the virus, but may instead further imperil and harm lives, which the quarantine rules is supposed to protect,” pahayag ni de Guia.
Batay sa ulat ng pulisya nabaril ng 156 Barangay Tanod na si Cesar Panlaqui si Eduardo Geñoga noong Agosto 7 ng gabi makaraang sitahin ang biktima dahil sa pag-iingay.
Lumapit ang biktima kay Panalaqui hawak ang isang stick dahilan upang barilin ito sa dibdib ng suspek.
Sa pahayag ng mga kaanak ng napaslang na quarantine violator, may problema sa pag-iisip ang biktima.
Mariing paalala ng CHR sa mga tagapagpatupad ng batas na dapat tingnan at tugunan ang suliranin batay sa lebel ng banta at pairalin ang paggalang sa karapatang pantao ng mamamayan.
“We continuously remind authorities to adhere to human-rights based policing and to respect every individual’s dignity, especially the vulnerable ones, and human rights-based approach must be employed to ensure the welfare of all, especially the vulnerable and impoverish sectors,” ani de Guia.
Matatandaang noong Abril napatay din ng barangay tanod sa Calamba City Laguna si Ernanie Lumban Jimenez dahil sa paglabag sa quarantine protocol at curfew sa lugar.
Nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang CHR hinggil sa insidente upang mabigyang katarungan ang pagkasawi ni Geñoga habang ipinag-utos na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa PNP ang masusing imbestigasyon lalo’t hindi pinapayagan sa batas ang pagdadala ng baril ng mga barangay police.