3,716 total views
Ipinanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagpanibago tungo sa pagkakasundo ng mga sangkot sa kaguluhan sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas sa Gaza.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, vice chairperson ng CBCP migrants’ ministry, higit na kinakailangan ang pakikipagkasundo sa anumang hidwaan sa halip na pairalin ang karahasan dahil magdudulot lamang ito ng pagkasira ng pamayanan.
“We turn to God for the change of heart, for conversion that they renounce violence and give peace a chance. Conflicts are resolved thru dialogue.” pahayag ni Bishop Santos.
Apela ng obispo sa mananampalataya na magbuklod sa pananalangin para sa kaligtasan ng mamamayan ng Israel at Gaza mula sa pag-atake Hamas sa Sderot City, Israel noong October 7 na ikinasawi ng mahigit 1, 000 indibidwal.
Dalangin ni Bishop Santos ang kaliwanagan ng isip ng mga lider na magkasundo habang apela sa mga migranteng Pilipino sa lugar ang kahinahunan at manatiling alerto.
“We pray for restraint and goodwill to reign in everybody’s heart and mind. We appeal to our OFWs to keep themselves safe, follow our government instructions and pray with us for peace and harmony.” dagdag ni Bishop Santos.
Unang hiniling ng Filipino Catholics sa Israel ang panalangin para sa katiwasayan at kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestina upang matigil ang hidwaan para sa kapakinabangan ng mamamayan.
Sa datos ng Department of Foreign Affairs may 30, 000 ang mga Pilipino sa Israel kung saan 150 rito ang nasa Gaza strip ang sentro ng kaguluhan kung saan marami rito ang nagnanais makauwi sa Pilipinas.
Sa 29 na Pilipinong naiulat na nawawala, 23 dito ang na-rescue at nasa pangangalaga ng embahada habang isa ang kasalukuyang ginagamot dahil sa mga natamong sugat.