60,222 total views
Mga Kapanalig, ano nga ba ang kahulugan ng pagiging isang Pilipino?
Sa isang bill na inihain ni Congressman Joey Salceda para bigyan ng Filipino citizenship ang negosyanteng Tsino na nagngangalang Li Duan Wang, sinabi niyang taglay ng dayuhan ang mga katangian ng isang tunay na Pilipino: mapagmahal, mapagbigay, magalang, mabuti, matapat, nagsusumikap, at handang tumulong sa mga komunidad. Taóng 1991 pa naninirahan sa Pilipinas si Ginoong Wang at nais daw talaga niyang maging isang Pilipino.
Naipasá ang House Bill No. 8839 ni Congressman Salceda at nakalusot ito sa Senado. Ang lahat ng ating mga senador—maliban kay Senadora Risa Hontiveros—ay pumayag na bigyan ng Filipino citizenship si Ginoong Wang. Para sa nag-iisang tumutol sa batas, maraming “red flags” na dapat kinonsidera ang mga kapwa niya mambabatas bago ipinasá ang batas.
Si Ginoong Wang, batay sa pananaliksik ng opisina ni Senadora Hontiveros, ay may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operators (o POGO), isang negosyong ipinahinto ng administrasyon ni Pangulong BBM. Dikit daw ang Tsino sa mga financiers ng POGO complex sa Bamban, Tarlac at sa katulad na pasilidad sa Porac, Pampanga. Iniuugnay din si Ginoong Wang sa isang Tsinong espiya na nakakulong ngayon sa Thailand. Hindi naman daw lantarang inaakusahan ng senadora ng anumang krimen si Ginoong Wang, pero napakatingkad daw para sa kanya ang mga “red flags” ng dayuhan. Imbis na isang batas na ginagawa siyang mamamayan ng ating bansa, imbestigasyon ang kailangang gawin ng pamahalaan.
Sa ating Saligang Batas, nakalista kung sinu-sino ang mga kinikilalang mamamayan ng Pilipinas. Una, sila ay mamamayan ng bansa sa panahong pinagtibay ang umiiral nating Konstitusyon. Pilipino rin ang mga taong ang isa sa kanilang mga magulang ay mamamayan ng Pilipinas. Pangatlo, sila ay ipinanganak noong Enero 17, 1973 sa isang Pilipinong ina na bumoto para sa kanilang pagkamamamayan pagsapit ng kanilang tamang edad. Panghuli, nagiging Pilipino ang mga dayuhang “naturalized” o dumaan sa proseso ng pagkamit ng nasyonalidad gaya ng isang batas. Ang panghuling paraan ang magbibigay kay Ginoong Wang ng legal na pagkakakilanlan bilang Pilipino; ito ay kung pipirmahan ni Pangulong BBM ang batas.
Walang kinahinatnan ang apela ni Senadora Hontiveros sa mga kapwa niya senador. Ipinagtanggol maging ni Senate President Francis Escudero ang naging pasya ng mayorya. Iginagalang naman daw nila ang opinyon ng senadora, pero batay sa kanilang pananaliksik at pagtatanong sa mga ahensya ng gobyerno, wala silang nakitang dahilan para pagkaitan ni Ginoong Wang ng Filipino citizenship.
Hindi ganito ang sinasapit ng ibang dayuhan sa ating bansa. Hindi man sila nag-a-apply para maging Pilipino, inilalagay sila sa “watchlist” at hindi pinapapasok muli sa ating bansa kapag nakita silang sumasali sa mga kilos-protesta o natuklasang nakikipag-ugnayan sa mga grupong itinuturing na kontra sa gobyerno. Noong administrasyon ni dating Pangulong Arroyo, halimbawa, hindi pinapayagang bumalik sa bansa ang mga dayuhang pumupuná sa mga maling ginagawa ng pamahalaan.
Natatandaan din ba ninyo si Sister Patricia Fox, isang misyonerong madre mula sa Australia na tinawag na “undesirable alien”? Matapos ang 27 taóng paglilingkod sa ating mga kababayan, pinalayas siya ng administrasyong Duterte dahil sumasama ang madre sa mga rally at fact-finding missions sa ngalan ng pagtatanggol sa mahihirap at inuusig. Lingid sa kaalaman ng marami, nagpapatuloy ang ganitong panggigipit.
Mga Kapanalig, for sale na nga ba ang pagiging Pilipino? Sana hindi. Sana hindi natin marinig sa mga dayuhan ang isinagot ng isang pinuno sa Mga Gawa 22:28 na “malaki ang ibinayad [niya] para maging mamamayan.” Ang pagkamamamayan, gaya ng ipinahihiwatig sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ay may kaakibat na mga responsibilidad; hindi kasama sa mga ito ang panloloko, panlalamang, at pagpapapalaganap ng mga maling gawain.
Sumainyo ang Katotohanan.