7,234 total views
Nanawagan si Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona sa mga mananampalataya na ipagkatiwala sa Mahal na Ina ang kagalingan ng mundo, na kanyang inilarawan bilang may sakit.
Sa pagninilay para sa Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Ipilan, Brooke’s Point, Palawan, binigyang-diin ni Bishop Mesiona na ang pagbabago ng klima ay palatandaan ng pagkakasakit ng kalikasan.
“The environment is like our body; nagpapapansin kapag inabuso natin… Itong walang tigil na ulan, na baha, minsan sobrang init, nagpapansin sa atin ang kalikasan. Ano ba ang ating ginagawa upang ingatan natin ang mundong ipinagkatiwala sa atin?,” ayon kay Bishop Mesiona.
Kamakailan lamang, nakaranas ng malawakang pagbaha ang Puerto Princesa City at iba pang bayan sa Southern Palawan dahil sa shear line.
Hinikayat ni Bishop Mesiona ang lahat na hingin ang pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Lourdes para sa kagalingan ng mundo.
Gayunaman, ipinaliwanag ng obispo na hindi sapat ang panalangin lamang upang gumaling ang kalikasan, kundi kinakailangan din ang pagkilos at pananagutan bilang katiwala ng sangnilikha.
“Even if we bring our petitions to the Lord, it will be in vain if we neglect our responsibilities. Healing is a gift from God, but it is also our task to make God’s healing power happen to us,” saad ni Bishop Mesiona.
Ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes ay paggunita sa pagpapakita ng Birheng Maria kay St. Bernadette Soubirous noong 1858, kung saan kasabay rin nito ang pagdiriwang ng World Day of the Sick.
Ngayong ika-33 taon ng paggunita sa World Day of the Sick, napiling tema ang “’Hope does not disappoint’ (Romans 5:5), but strengthens us in times of trial”, na nagpapaalala sa lahat na ang pag-asa sa Diyos ay nagbibigay-lakas sa gitna ng pagsubok.