6,135 total views
Ipinapaalala ng Mahal na Birheng Maria na magtiwala at umasa sa kapangyarihan at pagmamalasakit ng Panginoong Hesukristo.
Ito ang pagninilay ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa paggunita sa Mahal na Birhen ng Lourdes, kasabay ng 33rd World Day of the Sick sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral nitong February 11.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang pagdiriwang ng Hubileyo ng Pag-asa ngayong taon ay sumasalamin sa pagnanais ng mga may karamdaman na gumaling at malampasan ang kanilang pinagdaraanan upang makabalik sa normal na pamumuhay.
“Sa bawat araw ng kanilang buhay, wala silang ibang hiling kundi ang kaganapan ng buhay para sa kanilang sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay. Ito rin ang hangarin ng ating Diyos na siyang lumikha, nagligtas, at nagpapausbong ng buhay. Hindi niya kalooban ang paghihirap, sakit, at karamdaman,” ayon kay Cardinal Advincula.
Sinabi ng kardinal na ang mga nararanasang pagsubok ay maaaring pagkaantala dahil may ibang kalooban ang Diyos, na sa pamamagitan ng Mahal na Ina ay inaakay tayo upang manatiling matatag sa pananalig sa Panginoon.
Iginiit din ni Cardinal Advincula na kabilang sa mahahalagang itinuturo ng Mahal na Birhen ay ang pananalangin nang may pagkilos at pagsisikap upang matulungan hindi lamang ang sarili kundi pati ang kapwa, lalo na ang higit na nangangailangan.
Sa ganitong paraan, naipapakita ng bawat isa ang tunay na pagpaparangal sa Mahal na Ina at naipapalaganap ang pag-asa sa kapwa.
“Kung tatawagin natin siyang Ina, siguraduhin nating kaya nating itratong mga kapatid ang iba niyang mga anak. Hindi lamang natin siya Ina, tayo rin ay kanyang mga anak. Kailangang maging kahawig natin siya sa pagiging instrumento ng pag-asa,” dagdag ni Cardinal Advincula.
Nakatuwang naman ni Cardinal Advincula sa pagdiriwang sina Manila Cathedral rector, Msgr. Rolly dela Cruz; University of the Philippines-Philippine General Hospital head chaplain, Fr. Lito Ocon, SJ; National Center for Mental Health chaplain, Fr. Arnel Calata, Jr., at iba pang mga panauhing pari.
Sa banal na Misa, isinagawa rin ang pagpapahid ng langis sa mga may sakit, gayundin sa iba pang mananampalatayang dumalo sa pagdiriwang.
Ang pagtitipon ay inorganisa ng Archdiocese of Manila Ministry on Health Care, katuwang ang Sovereign Military Order of Malta Philippines, isang organisasyong kilala sa paglilingkod sa mga maysakit at nangangailangan.
Tema ng 33rd World Day of the Sick ang “Hope does not disappoint” (Romans 5:5), but strengthens us in times of trial, na nagpapaalala na ang tunay na pag-asa sa Diyos ang nagbibigay-lakas sa gitna ng pagsubok.
Itinalaga ng Simbahan ang araw na ito upang ipanalangin ang kagalingan ng mga may sakit at bigyang-pagpapahalaga ang mga nangangalaga sa kanila.