10,996 total views
Inaasahan ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) ang higit na pagkamulat ng mga Pilipino sa mga suliranin at pangangailangan ng labor sector.
Ayon kay AMLC Minister Father Erik Adoviso, ito ang positibong resulta ng 2025-Midterm Election kung saan bagamat natalo ang mga kandidato mula sa ibat-ibang samahan sa labor sector ay lalu silang nakikilala ng mga Pilipino.
“Maayos naman po yung ating election results, bagamat siyempre ay nagtataka parin tayo yung mga survey ay hindi naman talaga sumalamin doon sa tunay na resulta at yung tunay na gusto ng tao, nagpapatunay lang na talaga kung ano ang gusto ng tao, yun ang ating dapat sundin, hindi yung survey maari nakakatulong pero siyempre ang mga mahalaga parin yung plataporma ng isang kandidato, yung programa at the same time yung kaniyang maiaalay para sa ating bayan,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Adoviso.
Panalangin ng Pari na sa mga susunod na eleksyon ay mamamayani ang pananampalataya na magbibigay buhay sa pagsusulong ng demokrasya.
Ito ay upang maisulong ang tunay na halalan kung saan mabubuwag na sa lipunan ang paghahari ng political dynasties na matagal ng pinapahirapan ang mga Pilipino higit na sa mga lalawigan.
“Paano natin mawawakasan yung unang-unang mga dynasty, paano matatapos na ang mga dynasty, siyempre kailangan may kongreso na na tumingin diyan at tapusin na yung paghahari ng dynasties, pangalawa siyempre yung programa naman talaga- yung mga programang pro-people, yung talaga ang mahalaga, yung mga programang pro-people na sasagot doon sa mga hinaing ng simbayanan , At pangatlo sa bahagi natin nang simbahan kailangan pa ng malawakang paghuhubog para maituro kung ano ba talaga yung turo ng simbahan tungkol sa political participation,” bahagi pa ng panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Adoviso.