257 total views
Naapektuhan ng 81 million dollars money laundering scandal sa bansa ang pagbaba ng remittances na ipinapadala ng mga overseas Filipino workers.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples chairman Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, malaking suliranin ang kinakaharap ng mga OFW dahil sa limitado na lamang ang kanilang naipapadala sa kanilang pamilya bunsod na nasira na ang integridad ng mga banko natin sa ibang bansa.
Ilan rin aniya sa mga maliliit na bangko roon sa Europa ang magsasara simula sa buwan ng Hunyo dahil sa pagkalugi.
Nagpapahirap rin sa mga OFWs ang pagpapataw ng mataas na remittance fee.
“Malaking dagok, malaking suliranin ang naganap dun sa 81 million US dollars na na – hacked sa personal preserved ng America na pera ng Bangladesh. Una ay naghigpit ang mga ibang bansa sa pagpapadala ng ating kapwa Pilipino na kung saan ay sa isang linggo ni – limitahan ang kanilang pagpapadala na ito na lamang ay isang libo, 1 thousand Euro sa isang linggo at hindi pwedeng tumaas. At kapag madalas pa kada linggo, kada linggo sila ay dapat na magbigay ng certification of employment,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Umaasa naman si Bishop Santos na maibabalik muli ng bagong pamunuan ang pagtitiwala ng mga OFWs sa pamahalaan sa pagbibigay solusyon sa mga problema na kanilang kinakaharap.
“Ang kailangan natin dito ay gawin ng bagong pamahalaan ibalik ang pagtitiwala ng ating mga OFW sa ating pamahalaan na ito ay may ginagawa para sa kanila na may malasakit sa kanilang kalagayan at katayuan,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Naitala ng Bangko Sentral ng Pilipinas na umabot lamang sa $2.7 bilyon ang naipadalang personal remittances ng nasa 15 milyong OFWs nitong March 2016 at halos 1.4 na porsyento lamang ang itinaas nito noong Marso 2015