186 total views
‘Hindi ramdam ng mga mahihirap ang pag – unlad ng bansa.’
Ito ang naging pahayag ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz matapos lumago ng 6.9 percent ang ekonomiya ng bansa sa unang tatlong buwan lamang ng 2016.
Ayon kay Archbishop Cruz, hindi naipapatupad ang Trickledown Theory na una ng inihayag ni Pope Francis, na kung saan iilan lamang ang nakikinabang sa kaunlaran ng bansa at isinasantabi ang inclusive growth o kaunlarang pangkalahatan.
“Hindi bumababa ang tawag dun, ‘economy that does not trickledown, it does not reach the ground level.’ Pumayag na tayo na malaki ang pag – unlad natin hindi pag – unlad natin yun pag unlad nila’. Yun natin dapat kasama tayo,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Isa rin aniya sa mga larawan ng kahirapan pa rin ng bansa ay ang nasa 2,000 mga magsasakang nagbarikada sa Kidawapawan City, North Cotabato na humihingi ng bigas ngunit bala ang isinukli.
“Isipin lang natin tulad nung sa Kidapawan na ang mga magsasaka ay nagtitipon para maghingi ng bigas para meron silang makain, maisaing pero yun nga pinagbabaril. Paano mo ipapaliwanag yan kung ganoon kaunlad ang ating ekonomiya?” Bahagi ng payag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Igiiniit pa ni Archbishop Cruz halos hindi nakatulong ang limos na ibinibigay sa 4 na milyong benipisyaryo ng Conditional Cash Transfer Program o 4Ps na Pantawid Pamilya Pilipino Program na maituturing dole – out system at na nagpapairal lamang ng katamaran sa mga taumbayan.
“Hindi totoo dahil ang mahirap lalong humihirap, sapagkat tatanungin ko lang ang isang bagay kung talagang napaka – unlad natin eh bakit may CCT yung limos, yung Conditional Cash Transfer. Limos yan ha ano man ang sabihin diyan limos yan,” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.