181 total views
Umaasa si NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Father Edu Gariguez na mabibigyan ng linaw ng bagong administrasyon kung saan napunta ang malaking multi-bilyong pisong pondo na nakalaan para sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Father Gariguez, kung isa sa mga plataporma ni Presumtive President Rodrigo Duterte ang pagsugpo sa kurapsyon ay magsagawa ito ng pagsiyasat kung paano at saan ginamit ng administrayong Aquino ang Yolanda funds.
“Isa itong mahalagang agenda na dapat ihain sa pumalit na pamahalaan. Isang magandang simulain dahil kung ang gobyerno ni president elect Duterte ay laban sa kurapsyon isa ito sa magandang angulo na dapat suriin at dapat mas pabilisin ang tulong para sa mga mas nangangailangan dahil nga isa ito sa mga issue.”pahayag ni Father Gariguez sa panayam ng Radio Veritas
Magugunitang kinuwestiyon ni Mayor Duterte kung saan napunta ang bilyong piso na donasyon para sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.
Naninindigan ang pari na kailangang ipagpatuloy ang pagkakaroon ng malinaw programa para sa mga nasalanta ng kalamidad at bukas ang Simbahan na makikipagtulungan sa pamahalaan.
“Bukas tayo lagi sa pakikipagtulungan at nito ngang mga nakaraan marami tayong mga proyekto na ginagawa kasama ang gobyerno lalo’t higit ito ay malinaw na pagtugon sa pangangailangan ng sambayanan,” giit ni Father Gariguez, ang 2012 Goldman Prize Awardee.
Batay sa datos ng Foreign Aid Trasparency Fund, umabot sa 386.2 million dollars ang donasyon na natanggap ng pamahalaan mula sa iba’t-ibang bansa at institusyon para sa rehabilitation at recovery ng mga naapektuhan ng bagyong Yolanda.