5,626 total views
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, muli po, nagpapasalamat tayo sa Diyos na tayo ay magkakasama muli sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Mahihirap. Ito po ay sinimulan ni Pope Francis, sabi n’ya meron tayong World Youth Day, meron tayong World Meeting of Families, dapat magkaroon tayo ng World Day of the Poor.
Pero hindi nga lang ito isang araw, dapat araw-araw. Araw-araw ay dapat buhay sa atin lalo na bilang mga alagad ni Kristo ang pagdamay, ang pagtatanggol, pagtataguyod sa mga kapatid na gipit na gipit, hirap na hirap.
At sa taong ito katulad ng nabanggit natin, ang tema na pinili ni Pope Francis na tema ay “The Hope of the Poor will not perish forever.” Ang pag-asa ng mga dukha ay hindi maglalaho, magpakailanman o pang walang hanggan, hindi mamamatay ang pag-asa ng mga dukha. Bakit? Kasi sabi sa Salmo ang inaasahan ng dukha ay ang Diyos.
At maganda po ang mga pagbasa. Sa unang pagbasa pinaalaala sa atin na ang Diyos ang nagligtas sa bayang Israel noong sila ay inalipin sa Ehipto. Gumawa ng mga kababalaghan ang Diyos. Pati ang dagat ay hinawi upang ang bayan N’ya ay mapalaya. Isang dahilan, isang alaala, para sa mga taong nanghihina ang loob, alalahanin ang ginawa ng Diyos para iligtas ang Kan’yang bayang Israel.
At sa Ebanghelyo sino ang makapagbibigay ng tunay na katarungan? Binigay ni Hesus ang isang kwento, isang babae, balo, na punta ng punta sa isang judge para makakuha s’ya ng katarungan. Pero itong hukom na ito raw ay walang takot sa Diyos at dahil walang takot sa Diyos, walang iginagalang na tao. Gan’yan kapag pati sa Diyos hindi ka natatakot, wala ka nang igagalang na tao. Kaya ito raw hukom na ito, walang takot sa Diyos, walang paggalang sa tao, pero sa kan’ya kumakatok itong babae. “Huy, sa ano mo naman, sa desisyon mo, ibigay mo sa akin ang katarungan.”
Sa kwento, itong hukom binigay naman ang tamang desisyon para sa babae. Pero hindi dahil naniniwala s’ya sa katarungan. Bakit n’ya binigay yung desisyon pabor sa babae? Sabi, “napaka kulit naman kasi nitong babaeng ito para hindi na ako kulitin. Para hindi na ito magpabalik-balik, aayusin ko na ang desisyon nang tumahimik na.” Hindi pa rin katarungan talaga ang binigay, para lang lumayo.
Pero ang Diyos, sabi ni Hesus, ang Diyos nand’yan. Ang tanong lang ni Hesus, pagdating ng anak ng tao may makikita kaya S’yang mga taong nananalig sa kan’ya? Ang paanyaya ni Hesus ay manalig, umasa, ang Diyos hindi katulad ng ibang mga hukom, ang Diyos magbibigay ng katarungan subalit nananalig ba tayo? Maganda yung narinig po nating mga kwento, iba-iba ang uri ng kahirapan. May kahirapan na ikaw ay nasabit sa isang mali na hindi naman ikaw ang may kagagawan, at n’ung naghulihan ikaw pa ang nahuli. Nagtiwala sa mga kaibigan, sumama, pero nung hulihan na takbuhan na! Yung naanyayahan, s’ya ang nadakip. Isang uri yan ng paghihirap.
May halong parang pagtataksil, may halong pagpapabaya tapos para lang mapaikli ang iyong sentensya, aminin mo nalang kahit hindi ikaw ang gumawa. Napaka hirap yon ho. Aminin ang isang bagay na hindi mo ginawa, isang uri yan ng kahirapan. Isang uri yan ng pagkadukha na nangyayari araw-araw sa napakaraming tao. “Aminin mo na lang nang tumahimik na.” Tapos po yung hirap na dulot ng karamdaman. Hirap sa katawan, pero lalo ka pang pahihirapan kapag tinanggihan ka at nasabihan, “Hanggang d’yan ka nalang! wala ka nang pag-asang lumago.”
Isang uri pa rin yan ng kahirapan. Nakita natin yung kahirapan na nagpupunyagi ka, nagtatrabaho ka para sa pamilya mo, sinasamantala ka naman pala ng iyong pinagtatrabahuhan. Hirap na hirap ka na sa kakatrabaho, hindi mo pa nakukuha yung dapat sa iyo at sa pamilya mo. At kahit na may hustisya, hindi pa rin naibibigay ang dapat sa iyo. Isang mukha na naman ng kahirapan. At yung isang mukha pa, “wala naman akong inaangkin, di ko naman sinasabing amin itong lupa, humihingi lang kami ng konsiderasyon at tamang proseso.” Tapos maya-maya ikaw na ang may kaso! Napaka hirap, nawalan na nga ng bahay, ikaw pa ang may kaso.
Ilan lamang ito sa mga mukha ng kahirapan na narinig natin. Pero makita natin yun sinasabi po ni Pope Francis bilang mensahe sa taong ito. narinig natin, ang tawag ko sa kanilang apat ay mga teacher natin, teacher sa pag-asa. Doon sa Salmo at sa mensahe ni Pope Francis, ang ating pag-asa nasa Diyos. Sana po ito ay maging leksyon, aral, hindi lamang sa mga dumaranas ng paghihirap kun’di para sa ating lahat. Ang pag-asa ay sa Diyos. Ang Diyos lamang ang maaasahan.
Maghihintay tayo, kailan kaya ang pagkilos ng Diyos? Maghihintay tayo. Sabi nga kanina, PUSH! Pray Until Something Happens. At yung something happens, hindi yan gawa ng kung sino-sino, gawa yan ng Diyos pero maghihintay tayo. Minsan kung kailan mo hindi inaasahan biglang, BOOM! Nahawi ang dagat at ikaw ay makakatakas na. only God, tanging Diyos lang ang makakagawa n’yan. Ang ating papel, sabi ni Hesus sa ebanghelyo, manalig! H’wag manghihinawa, h’wag susuko, h’wag maiinip, kasi ang Diyos sabi nga, “Ang pamamaraan ng Diyos ay hindi pamamaraan ng tao.”
At ang panahon ng Diyos, iba sa panahon natin. Tayo mainipin, ano ho? Pero bahagi ng pag-asa ay, “kakapit ako sa iyo Diyos, kahit inip na inip na ko! Pero alam ko ikaw pa rin ang kikilos.” Sabi nga nila, in God’s own time, sa panahon ng Diyos. Meron ho akong kilala. Nabalitaan ko yung asawa n’ya ay buntis. Sabi ko, “O, congratulations! Mag-aapat na ang anak mo.” Sabi n’ya, sana itong ikaapat lalaki na.” Kasi tatlong babae. Sabi n’ya, “Sinabi ko nga sa Diyos kapag itong ikaapat ay babae na naman, hindi na ako maniniwala sa kan’ya! Magbo-born-again na ako, aalis na ako sa simbahan.”
“Ha? Kahit babae yan, kahit lalaki yan, anak mo yan biyaya ng Diyos!” “Hindi! Minsan lang ako humiling.” Nung nanganak, babae nga. Aba’y umalis, umalis nga sa simbahan. Sabi ko, “Pambihira ka, pasalamat ka may apat kang magagandang anak.” Nagbiro pa nga ako, “Kami nga ni isa wala ikaw, apat, masama pa ang loob mo?” (Cardinal laughs) Naku po! ang pag-asa, may paggalang din sa kilos ng Diyos at timing ng Diyos.
Ang ikalawang paalaala ni Pope Francis, kung ang pag-asa ay sa Diyos, kailangang makilatis tayo. Minsan kasi sa pagmamadali ang pag-asa natin hindi na sa tunay na Diyos, umaasa na tayo sa pera. “Basta maraming pera okay ang buhay ko!” Naku hindi! Yung iba umaasa ginagawang diyos ang kanilang posisyon. Yung iba ginagawang diyos ang kanilang kapangyarihan, yan ang sinasamba. Yan ang pinag-aalayan ng pag-asa. Pero hindi lahat yan lilipas. Kaya kapag nawala si pera, problemado ka na naman. Kapag nawala ka sa posisyon, aburido ka na naman, kapag nawala ang kapangyarihan, nako, isambakol ang mukha. Pero yung kumakapit sa Diyos at hindi S’ay ipinagpapalit sa mga diyus-diyosan, yan ang may tunay na pag-asa.
Sabi ko nga kagabi, kahapon sa isang misa, yung mga kaedad ko siguro dito ho, natatandaan n’yo ba yung kantang “Sinasamba kita.” Meron ba sa inyong nakakaalaala ng kantang ‘yon? Pakitaas ang kamay (some raised their hand) o naku marami pala akong ka edad dito (audience laughs). Di ba yung sabi, “kung ano mang dahilan ay di mahalaga basta’t sinasamba kita!” ang problema, hindi naman yun sinasabi sa Diyos, sinasabi yun ng kanta sa isang crush. Aba, ginawang diyos yung kan’yang napupusuan. “Sinasamba kita” (in singing tone) nanginginig pa habang kinakanta yan ha! (audience laughs) Nasa videoke ba yan? (audience laughs) Aba, oo daw, nag vivideoke kayo? (some answered)
Kapag yung sinasamba kita at ang kaharap yung crush ko, sinasamba kita ang kaharap ay limpak-limpak na pera, ang ganda ng pagkanta. “Kahit ano pang dahilan ay di mahalaga basta’t sinasamba kita!” (cadinal sings) Pero kapag, tumayo tayo para sa pag-awit, unang sa simula ng misa. “Bayan umawit, ng papuri Sapagkat ngayon, ika’y pinili” (cadinal sings in funny tone) (audience laughs) Kapag sa Diyos na, walang kabuhay-buhay pero kapag sa crush ‘pag sa pera, “Sinasamba” (in singing tone) (audience laughs) Alam n’yo, ang sumasamba sa diyus-diyosan, yan ang walang pag-asa. At uuwi yan sa corruption, sa pagkasira ng lipunan, sa pagsira sa kapwa, lalong didilim ang buhay, walang pag-asa.
Kaya yung pagsabi nating, “Sa Diyos ang pag-asa” may kasama yan, iwasan ang diyus-diyosan. Yung iba d’yan e nagtext lang yung crush, naku hindi na makatulog. “Tinext ako! Tinext ako!” tapos ibabalita na sa iba, “Tinext ako! Tinext ako!” lolokohin ka n’yan! Naku, ha wag mo d’yan ilagay ang pag-asa mo ha, sa Diyos! Ang Diyos kahit hindi mo itext nakikita ka, pinapakinggan ka, ang tanong ni Hesus may matatagpuan ba S’ya na nananalig sa Diyos? Kaya mamaya yung susunod na kanta ha, para sa Diyos kaya dapat, ano? (audience laughs) Kung bakit sa videoke e talagang ang score 100! Pero kapag sa Diyos na kakanta anu na, o kayo ha choir. At pang huli po, baka kayo’y inip na inip na.
Ang pag-asa sa Diyos, ingatan ang mga diyus-diyosan, at ikatlo, tayo’y maging daan ng pag-asa sa iba. At sabi ni Pope, wag tayog ambisyoso. Ngayon, para maging daan ng pag-asa sa mga mahihirap ay mangangako tayong, “hwag kang mag-alala kaya naming yan! Sagot ko yan!” kasi sa totoo, hindi naman natin kayang sagutin lahat. Sabi ni Pope Francis, gawin ang makakaya pero magtulung-tulungan para malaki ang maaabot. At sa pang-ara-araw na buhay, pwedeng maging daan tayo ng pag-asa sa naghihirap. Yung sabi n’ya even a smile, kahit yung ngiti, yung isang salitang nagpapalakas ng loob, yung kaya mong makinig, yung kaya mong dumamay na ipapadama mo sa naghihirap na kasama n’ya ang Diyos.
Kailangan natin ng mga ministries, kailangan natin ng mga programs, pero kasama n’yan kailangan din yung ating personal na pakikitungo sa mga mahihirap kahit minsan walang salita. Isang presensya na nagpapadama ng aruga at tunay na pagdamay, nakakapagpalakas na ng pag-asa. Pinatatawa ko kayo, tatapusin ko sa isa na namang joke. Ilan ho sa inyo ang involve doon sa Pondo ng Pinoy lalo na sa Hapag-Asa yung feeding program para sa mga bata na… (some raise their hand) Ayun meron. Yan ho, kung hindi man kayo kasama dun sa pagluluto, siguro yung tulong na bente singko sentimos ang daming bata na napapakain n’yan.
Minsan, pumunta ako sa isang feeding center, hindi ako nagsabi na darating ako, pumunta po ako don sa lutuan kung saan sila nagluluto, sa likod ako dumaan, hindi nila ako nakita. Naggagayat, rinig na rinig ko yung usapan. “Kung alam ko lang na ganito kahirap itong pag-vo-volunteer, hindi na sana ako nag-volunteer!” (audience laughs) Aba sabi nung isa, “Oo nga araw-araw ka palang mamamalengke, araw-araw kang magluluto!” (Cardinal laughs) Edi ako naman unti-unti, lumapit ako. “Ehem!” (Cardinal cleans his throat) “Good morning!” Sabi nila, “Ay bishop!” Sabi ko, “ Huy salamat sa inyo ha, sa inyong pagsasakripisyo, kaya lang kako ang pinakakain natin mga malnourish, wag nating dagdagan ng rekado ng sama ng loob, reklamo, ano ho?
Baka lalong hindi tumaas ang timbang kasi ang kinakain nila, hindi lang pala manok, kun’di manok na sama ng loob.” (audience laughs) Ba’t ko kinukwento yan? Kasi naalaala ko nung sinabi in Pope Francis, yes, yung mga projects mahalaga yan at dapat palalimin pa, palawakin pa, pero h’wag kalilimutan, ano yung dala-dala din natin, tamang pakikitungo, patience, even just a smile ano ho? Kaya habang nagluluto, nakangiti, habang dumadalaw sa mga naghihirap yung pagluha na bunga ng pakikiisa at ikaw mismo helpless, as helpless as the others, makita na hindi ka nagmamalaki, ikaw ay kapwa dukha.
Dukha rin tayo na lumalapit sa kapwa dukha. Tayo po’y tumahimik sandali at tanggapin ang alok, hamon ng mga pagbasa at ni Pope Francis sa World Day of the Poor sa taong ito.