228 total views
Tinutulan ng Anti – Gambling advocate ang iminumungkahi ni House Minority Leader Danilo Suarez na pagpapalawig pa sa operasyon ng Small Town Lottery o STL sa buong bansa.
Ayon kay dating CBCP – President at Lingayen, Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, nagpapababa ng moralidad ang mga pasugalan lalo na sa mga manggagawang nagta – trabaho rito na lumilikha rin ng kultura ng katamaran.
“Marami namang puwedeng trabaho, sapagkat kung ang sugal ay magiging trabaho. Bakit hindi puwedeng trabaho yung prostitution? Bakit hindi puwedeng trabaho yung mga malalaswang sine, mga night club? Hindi naman ganun, kung bibigyan ng trabaho sana yung matinong trabaho, yung disenteng trabaho. Hindi yung trabahong nakakasira ng moralidad,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Naniniwala si Archbishop Cruz na marami pang disenteng programa na dapat pondohan ng pamahalaan lalo na ang pagpapalakas ng mga kooperatiba at mga productive industries na maglilikha ng opurtunidad sa mas nakararaming Pilipino.
“Marami namang pwedeng trabaho tulad ng kooperatiba, for example mga productive industries, andami bakit sugal pa at pagkatapos baka gawin ring trabaho yung mga pornography, gawing trabaho yung mga sine na malalaswa. Trabaho rin yun pero nakahihiyang trabaho,” giit pa ni Archbishop Cruz sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan, nagbibigay ng trabaho ang mga STL sa mahigit 180,000 empleyado.
Nakikita naman ni Suarez na kung gagawing nationwide ang operasyon ng mga lottery stall ay magbibigay ito ng trabaho sa mahigit 1.5 milyong Pilipino at kikita ang gobyerno ng P152 bilyong piso kada taon.
Nauna ng ikinatuwa ni Archbishop Cruz ng ipagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang online gambling na nakadugtong sa mahigit apatnapung malalaking casino sa bansa.