5,756 total views
Kinilala ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo,chairman ng Catholic Bishop Conference of the Philippines Episcopal Office on Stewarship ang mga Filipino Seafarer at ang Maritime Industry.
Ipinaabot ng Obispo ang pagpupugay sa Filipino Seafarers sa paggunita ng National Seafarers Sunday sa ika-29 ng Setyembre at World Maritime day sa ika-26 ng Setyembre, 2024.
Inihayag ni Bishop Pabillo na ang paghahanapbuhay ng mga Pilipinong mandaragat sa mga karagatan sa Pilipinas at ibayong dagat ay nakakatulong sap ag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
“Alam po natin ang mga Pilipino ay in-demand sa kanilang pamamalakaya sa halos daw sa araw-araw. May mga 300-thousand to 400-thousand na mga Pilipinong mamamalakaya sa ibat-ibang mga barko sa buong mundo, kaya ito po ay malaking tulong sa ekonomiya ng bansa sa at sa mga pamilya nila, kaya pasalamat tayo sa Diyos sa kanilang trabaho sa dagat bilang mandaragat,” ayon sa mensahe ni Bishop Pabillo.
Bukod sa pagkilala, hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na ipanalangin ang kabutihan at kaligtasan ng mga Filipino Seafarer na nahaharap din sa ibat-ibang suliranin at pagsubok.
Ayon kay Bishop Pabillo, dumaranas din ang mga Filipino seafarer ng kalungkutan sa pagkakalayo sa pamilya at pagsalubong sa masamang panahon habang naglalayag.
Nahaharap din ang mga ito sa sigalot o naiipit sa digmaan at panganib sa banta ng mga pirata sa kanilang paglalayag.
“Alam naman natin na mahirap din ang kanilang trabaho at iyan po ay nakakakalungkot na trabaho at marami pong mga panganib ngayon, panganib sa barko at panganib sa pirates at kung minsan natatamaan din sila sa mga gulo na nangyayari tulad ng sa Red Sea. Kaya po ipagdasal po natin sila, kaya ngayon habang nagpapasalamat tayo sa Diyos sa trabahong naibibigay sa kanila at tulong sa kanilang mga pamilya, ipagdasal po natin ang kanilang kalagayan na sila’y maging palaging ligtas at sila’y sana makatulong sa pamilya at hindi masira ang kanilang pamilya dahil sa kanilang trabaho “paanyaya ni Bishop Pabillo.
Pinuri din ng Obispo ang paglagda ng pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang batas sa Magna Carta for Filipino Seafarers o Republic Act (RA) No.12021.
Sa datos ng pamahalaan ngayong 2024, umaabot na sa 578,600 ang bilang ng mga Filipino Seafarer sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Patuloy naman ang CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People at Stella Maris Philippines sa pangangalaga sa kanilang espiritwal na pangangailan at paghahandog ng tulong sa pamilyang naiiwan sa Pilipinas.