152 total views
Isang welcome development kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang ginawang hakbang ng Philippine National Police (PNP) na bigyan ng karagdagang pagsasanay ang mga pulis Kalookan upang mapangalagaan ang integridad ng buong institusyon.
Sa kabila nito, umaasa ang Obispo na masasampahan ng kaukulang kaso ang mga pulis na umabuso sa kanilang tungkulin.
Ayon kay Bishop David, mapo-protektahan lamang ng PNP ang kanilang integridad sa pagdedesiplina at pagpaparusa sa mga kagawad na lumalabag sa kanilang mandato.
“Praise the Lord! But i do hope the appropriate charges will be filed against those among them who are proven to have abused their authority. This is the only way the PNP can protect the integrity of the whole police institution: by disciplining their own ranks and following only just and lawful orders from their superiors,”bahagi ng ipinadalang mensahe ni Bishop David.
Nauna rito, ipinag-utos ni PNP-NCRPO Chief Oscar Albayalde ang pagtanggal sa 62-pulis na nakatalaga sa sub-station 7 ng PNP-Caloocan dahil sa isinagawang raid ng walang search warrant at inaakusahan ng panloloob.
Tiniyak din ni Albayalde na sasampahan ng kaso ang mga opisyal ng pulisya sakaling mapatunayan ang pagmamalabis.
Bukod sa 62 pulis, isusunod ni Albayalde na matanggal ang may 1,000 pulis Caloocan at isasailalim sa re-training, re-orientation at values formation.
Unang naging kontrobersyal ang mga police Caloocan dahil sa pagkakapaslang kina Kian Loyd De Los Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo De Guzman alyas Kulot.
Binigyan diin ni Bishop David ang tungkulin ng mga pulis na pangalagaan ang kaligtasan ng publiko at hindi para mang-abuso ng mga taong mahihina at walang kakayanan.
Hinikayat din ni Bishop David ang lahat ng mga biktima ng karahasan maging ang mga testigo na sampahan ng kaso ang mga pulis na nagmamalabis sa kanilang tungkulin.
Dagdag pa ni Bishop David, “The witnesses and families of other victims should come out, file cases, and testify in order to make sure their abusers are not just going to be transferred to other stations. Otherwise they’ll just do the same things over and over again.”