17,687 total views
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour ngayong taon, tampok sa inihandang programa ng kapanalig na himpilan ang pagsusulong ng karapatan ng kalikasan at ang paglipat sa renewable energy.
Ngayong Sabado, March 22, 2025, mula alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng gabi, muling isasagawa ng Radio Veritas ang programang “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan: Earth Hour 2025 Special.”
Bahagi ng programa ang isang oras na pagpapatay ng mga ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi, na sasabayan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo at mga pagninilay mula kina Cubao Bishop-emeritus Honesto Ongtioco, Jaro Archbishop-emeritus Jose Romeo Lazo, Military Bishop Oscar Jaime Florencio, Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, at Borongan Bishop Crispin Varquez.
Tampok na panauhin si Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI) National Coordinator Yolly Esguerra na tatalakay sa paksang “Rights of Nature Now!” habang bibigyang-linaw naman ni Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) Research and Policy Deputy Head Brent Ivan Andres ang usaping “Dirty Energy Versus Renewable Energy.”
Magsisilbi namang host sina Fr. Angel Cortez, OFM, co-executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), at Ms. Jing Rey Henderson, head ng National Integrity Ecology Program ng Caritas Philippines.
Mapapakinggan ang programa sa DZRV 846 AM at mapapanood sa DZRV846 Facebook page, Veritas PH YouTube channel, at Veritas TV Sky Cable Channel 211.
Ito’y sa pakikipagtulungan ng World Wide Fund for Nature Philippines, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Conference of Major Superiors in the Philippines, at Caritas Philippines.
Ngayong taon ang ika-17 beses na pakikibahagi ng Pilipinas sa taunang Earth Hour bilang patuloy na paninindigan upang pangalagaan ang daigdig.
Unang isinagawa ang Earth Hour noong 2007 sa Sydney, Australia, at itinuturing na pinakamalaking pagtitipon para sa kalikasan, at ngayo’y isinasagawa na sa higit 7,000 lungsod at 193 bansa sa buong mundo.