273 total views
Ikinagalak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Pastoral Care for Migrants and Itinerant People ang maayos na pakikipagtulungan ng Simbahan at ng pamahalaan upang maisalba ang 100 Overseas Filipino Workers sa Kuwait na nawalan ng trabaho.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, nagpapasalamat ito sa ilang sangay ng pamahalaan tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tumungo mismo roon upang masiguro ang kaligtasan at kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa Saudi Arabia.
Kinilala rin ni Bishop Santos ang masigasig na ugnayan ng embahada ng Kuwait sa mga misyonerong pari at sa Apostolic Vicar ng Northern Arabia na si Bishop Camillo Ballin na nagsumikap upang tuluyang makakuha ng “exit permit” na inaasahan namang makauuwi na ng Pilipinas ngayong Linggo.
“Tayo ay natutuwa at dumating sa atin ang balita na kung saan ay mahigit na 100 na ating manggagawa sa Kuwait ay maipapa – uwi na rito. Ito ay maganda na kung saan nakikita natin ang tulungan ng simbahan at pamahalaan. Kami ay nagpapasalamat sa embassy natin dun sa Kuwait at sa mga pari natin doon at higit sa lahat sa obispo na nangangalaga sa Northern Arabia Vicariate kay Bishop Camilo Ballin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam Veritas Patrol.
Nabatid na sa ulat ng DOLE na nasa 11,000 OFWs ang apektado ng mga naluluging kumpanya sa Riyadh at Jeddah sa Saudi Arabia na hindi napapasahod ng tama habang ang ilan naman ay tuluyan ng nawalan ng trabaho.
Magugunitang una ng kinilala ni Pope Francis ang kasipagan ng mga halos 15 milyong OFWs sa buong mundo na nagsasakripisyo makaahon lamang sa kahirapan.