477 total views
Mga Kapanalig, kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian na mainam na ibalik sa kolehiyo ang mandatory ROTC o Reserve Officers’ Training Corps (o ROTC). Ito ay matapos lumabas sa survey na ipinagawa ng senador sa Pulse Asia na nagsasabing halos walo sa sampung Pilipino ang suportado ang ROTC.
Sa mahigit isanlibong respondents ng survey, 78% ang suportado ang mandatory ROTC sa kolehiyo, 13% ang tutol, at 8% naman ang hindi sigurado. Ginawa ang survey noong isang buwan, at ang mga tinanong ay mga edad 18 pataas; ibig sabihin, kakaunti lamang, kung mayroon man, ang mga estudyante o kasalukuyang nag-aaral.
Nangunguna sa listahan ng mga dahilan kung bakit suportado ng mas marami ang pagbabalik ng ROTC ang anila’y pagtuturo nito ng disiplina at pagiging responsable sa mga estudyante. Marami rin ang nagsabing sasanayin nito ang mga estudyante upang maging handang ipagtanggol ang ating bansa. Makapagtuturo din daw ito ng leadership skills at ng kahalagahan ng pagtutulungan o teamwork. Bubuti rin daw ang pisikal na kalusugan ng ating kabataan. At panghuli, magiging mas makabayan daw ang mga estudyanteng Pilipino kung daraan sila sa ROTC.
Balikan natin ang nangungunang dahil kung bakit mas mabuti raw na maibalik na ang ROTC—ang pagiging disiplinado at responsable ng kabataan. Sa inyong palagay, mga Kapanalig, wala na bang ibang paraan upang matuto ng disiplina at ng pagiging responsable ang kabataang Pilipino? Kailangan ba talagang dumaan sila sa militaristang training upang mapaunlad nila ang kanilang pagkontrol sa sarili, magkaroon ng mabuting karakter, at kumilos nang ayon sa kung ano ang tama at matuwid?
Kung ganito ang paniniwala natin, bakit kaya ang mga dumaan noon sa ROTC na nasa pamahalaan ngayon ay nasasangkot sa mga tiwaling gawain? Bakit may ilan sa kanilang umaabuso sa kanilang kapangyarihan at pabor sa marahas na pagpapatupad ng batas? Hindi ba’t dapat munang maging mabuting ehemplo ang mga nakatatanda bago nila sabihin kung ano ang makabubuti sa kabataan? Kapag maibalik ang ROTC, gaano tayo katiyak na walang katulad ni dating Pangulong Duterte na nagkunwaring may sakit upang ma-exempt noon sa ROTC? Gaano tayo katiyak na hindi gagamit ng kanilang yaman at impluwensya ang mga pulitiko o matataas sa lipunan upang hindi magbilad sa ilalim ng araw ang kanilang mga anak? Baka hindi disiplina ang ituro ng ROTC.
Sa Catholic social teaching na Amoris Laetitia, ipinaliwanag ni Pope Francis na kung ang mga nakatatanda ay laging obsessed o nakatutok sa pagkontrol sa ikikilos ng kabataan—gaya ng pagdidiing sila ang nakaaalam kung ano ang nakabubuti sa mga bata—ay salungat sa kanilang tungkuling tunay na gabayan ang kabataan. Sila ang nagdodomina sa espasyong ginagalawan ng kabataan, at hindi ito ang akmang pagtuturo sa kanila, hindi ito ang angkop na paraan upang palakasin ang kanilang kakayahang harapin ang anumang hamon ng buhay. “What is most important is the ability lovingly to help them grow in freedom, maturity, overall discipline and real autonomy,” dagdag ng Santo Papa. At ang kalayaang kailangan ng kabataan ay hindi nakakamit kapag hindi sila pinakikinggan.
Sa usaping ROTC, hindi ba’t dapat ding tanungin ang pananaw at saloobin ng mga estudyanteng gusto ng mga nakatatandang maging disiplinado? Bagamat mahalaga ang paggalang ng mga nakababata sa nakatatanda—at kasama rito ang pagkatuto sa karanasan ng mga dumaan na sa pagkabata—hindi laging tama ang matatanda. Sa madaling salita, hindi lamang matatanda ang nakakaalam kung ano ang makabubuti sa kabataan.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Santiago 1:19: “maging alisto kayo sa pakikinig [at] maingat sa pagsasalita.” Paano natin masasabi kung ano ang makabubuti sa kabataan kung mas mabilis tayong magsalita tungkol sa kanila kaysa pakinggan ang kanilang boses?
Sumainyo ang katotohanan.