255 total views
Nanawagan ang human rights group na Phillippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND) sa mamamayan na pahalagahan at pangalagaan ang karapatang pantao ng bawat Filipino.
Ayon kay Ellecer Carlos, International Affairs Officer ng PAHRA at tagapag-salita ng iDEFEND, dapat tumimo sa kamalayan ng bawat mamamayan na ang karapatang pantao ay para sa lahat.
Iginiit ni Carlos na ang mamamayan ang pinakamahalagang yaman ng isang bansa na nararapat bigyan ng proteksyon laban sa mga pang-aabuso.
“The citizens are our nation’s best resources, we should not be silencing them but strengthening their participation in nation-building and human rights advocacy”. panawagan ni Carlos
Ito ang panawagan ni Carlos sa paggunita ng Human Rights Week na may temang “Ikaw, Ako, Tayo para sa Karapatang Pantao” na pumupukaw sa kamalayan ng bawat isa sa kahalagahan ng dignidad at karapatang pantao.
Ginugunita ang Human Rights Day tuwing unang linggo ng Disyembre kung kailan pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration of Human Rights o Pandaigdig na Pahayag ng mga Karapatan ng Tao.
Nakapaloob sa naturang Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao na ang bawat isa ay may kalayaan at karapatan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, pananaw pampulitika, pinagmulang bansa, pagmamay-aring ari-arian, kapanganakan at iba pang katayuan sa buhay.
Patuloy ding naninindigan ang Simbahang Katolika sa pagbibigay halaga sa karapatang pantao at kasagraduhan ng buhay ng tao.