199 total views
Binigyang diin ng pangulo ng Caritas Internationalis na ang Caritas ang tunay na mukha ng Simbahang Katolika na naglilingkod sa mahihirap.
Ayon kay Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, hindi lamang isang institusyon o non- governmental organization ang social arm ng Simbahan kundi isa sa mga nagpapalaganap ng misyon ni Kristo.
“Caritas is the face of the church so its activities must be rooted in the word of God and in prayer,”pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ang pagninilay ni Cardinal Tagle ay kaugnay sa pagbukas at paglunsad sa Center for Resiliency, Empowerment and Integral Development (CREED) sa BEC compound ng CBCP sa Tagaytay City.
Ang CREED ay pinamumunuan ng CBCP-National Secretariat for Social Action kung saan ito ang kauna-unahang ‘social action academy’ sa buong bansa.
Layon nitong makapagsagawa ng mga pagsasanay sa pamamagitan ng mga short courses upang mapaigting ang humanitarian development work partikular sa mga social action centers ng mga diyosesis sa bansa.
Dahil ditto, umaasa si Cardinal Tagle na mapagtibay at mapaunlad ang karunungan at kakayahan ng mga volunteers ng social arm ng Simbahan sa pagtugon sa pangangailangan ng kapwa.
“We are working towards professional training so that our service for the poor would really be of quality,”pahayag ng pangulo ng Caritas Internationalis.
Bukod dito, pinaalalahanan din ng incoming Prefect of Propaganda Fide ang mamamayan na isapuso at maglingkod ng may puso sa mga dukha upang maipadama ang dakilang pag-ibig mg Diyos sa sanlibutan.
Pinangunahan ni Outgoing Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang buong pagdiriwang habang nagsilbing homilist naman si Cardinal Tagle.
Kasabay din ng pagpasinaya sa CBCP-NASSA CREED ang symbolic turn over ng bagong chairman ng CBCP-NASSA na pamumunuan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo mula kay Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona habang mananatili namang Executive Secretary ng komisyon si Reverend Father Edwin Gariguez.