346 total views
Iniugnay ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paggunita sa kasarinlan ng Pilipinas sa pangangalaga sa ating inang kalikasan.
Ayon kay CBCP-Permanent Committee on Public Affairs Vice Chairman, Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, katulad ng pakikipaglaban ng mga Filipino noong unang panahon upang makamtan ang kalayaan ng bansa, nawa’y gayundin ang mamayani ngayon upang makamtan naman ng kalikasan ang kalayaan laban sa mapanirang paraan ng pag-unlad.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa pagtatanggol sa ating nag-iisang tahanan, nawa’y makamtan rin ng mamamayan ang pagkakaroon ng malalim na kaalaman at kamalayan hinggil sa patuloy na pangangalaga at pagpapanatili sa kalikasan.
“Sa pagdiriwang natin ng ating kasarinlan, ito ay napakagandang pagkakataon din para magkaroon tayo ng malalim na kaalaman – knowledge and awareness of the importance of God’s creation. Sana ay madagdagan ang lalim at lawak ng kaalaman ng bawat Filipino na ang nilikha ng Diyos, hindi lamang tao, kung hindi ang kalikasang nakapaligid sa atin,” ang mensahe ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Mangalinao na ang bawat nabubuhay sa mundo ay binigyan ng Diyos ng kalayaan, hindi upang sirain ang mga likas na yamang ipinagkaloob nito sa halip mapangalagaan laban sa lubusang pagkasira nito.
“Ibig sabihin tayo ay tagapangalaga, tayo ay tagapamahala, hindi tayo Panginoon ng kapaligiran, ng kalikasan. Kapwa tayong nilikha, kapwa tayo may pananagutan. ‘Yun palang kapwa na sinasabi hindi lamang tao, kung hindi lahat ng nilikha ng Diyos na binigyan n’ya ng buhay [ay] binigyan n’ya ng karapatang umiral dito sa mundong ibabaw,” ayon sa Obispo.
Hiniling naman ng Obispo na sa patuloy na pakikipaglaban ng bawat mamamayan na maipagtanggol ang inang kalikasan, nawa’y patuloy na mamayani ang kalayaan at kapayapaan sa halip na mauwi sa kapahamakan.
Hunyo 12, 1898 nang ideklara ang Araw ng Kalayaan sa Pilipinas bilang pagtatapos ng matagal na pananakop ng mga kastila sa bansa, kasabay ng pagwagayway ng bandila sa Kawit, Cavite sa pangunguna ni General Emilio Aguinaldo.
Kaisa ang buong Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pagdiriwang sa Araw ng Kalayaan at patuloy na ipinapanalangin ang bawat mamamayan at mga namumuno sa bansa na basbasan ng Panginoon upang matamo ang tunay na diwa ng kalayaan at kapayapaan.