218 total views
Sang-ayon si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na ang pamilya at komunidad ay malaking bahagi para sa pagbabago at pagbabalik loob ng isang drug dependent.
Giit ng obispo, ang suporta at pagtanggap ng pamilya ay mahalaga para sa ganap na pagbabago ng isang nalulong sa bisyo na siyang pangunahing sangkap ng mga church based drug rehabilitation.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay na rin sa pag-amin ni Dangerous Drug Board (DDB) Chair Dionisio Santiago na hindi praktikal ang itinayong ‘Mega Treatment and Rehabilitation Center’ sa Nueva Ecija na may 10,000 bed at napakalaki ng pondong kailangan sa operasyon nito.
“The most sensible part was when he pointed out that family care and community involvement are more feasible in the smaller community-based rehab programs that can accommodate anywhere between 150 to 200 participants,” mensahe ni Bishop David sa Radio Veritas.
Sa halip sana ay mas epektibo ang programa kung inilaan ang salapi sa mas maliliit na drug rehabilitation sa bawat komunidad at mas malapit din sa pamilya ng mga pasyente.
Sa Caloocan inihayag ng Obispo, may anim na batch na ang nagtapos sa church initiative na Salubong -16-week program kung saan 150 drug dependents ang nagtapos noong ika-29 ng Oktubre.
Una na ring nanindigan ang simbahang katolika na ang pagpapanibago o rehabilitasyon ng isang lulong sa bisyo ang tugon sa malalang problema ng bansa laban sa ilegal na droga.
Ilan sa mga community based drug rehabilitation ng simbahan ay ang Sanlakbay at Kaunting Pahinga ng Archdiocese of Manila; Salubong ng Diocese ng Caloocan; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago ng Diocese ng Novaliches; Pastoral Approach to Rehabilitation and Reformation ng Diocese ng Cubao; Labang ng Archdiocese of Cebu at ang Galilee Homes ng Diocese ng Malolos.