53,268 total views
Mga Kapanalig, natatandaan pa ba ninyo ang kontrobersyal na kompanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation?
Maikling rewind lang po tayo. Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, bumili ang gobyerno sa Pharmally ng sandamakmak na medical PPE (o personal protective equipment), katulad ng face masks at face shields. Umabot sa 11.5 bilyong piso ang ibinayad sa naturang kompanya na sinasabing pinopondohan noon ng kaibigan at economic adviser ni dating Pangulong Duterte na si Michael Yang. Ang mas katakataka pa, nabuo ang Pharmally ilang buwan lamang bago nito nakuha ang labintatlong malalaking kontrata sa gobyerno.
Ang bayad na natanggap ng Pharmally ay bahagi ng 67.3 bilyong pisong COVID-19 funds na pinangasiwaan ng Department of Health (o DOH). Noong 2021, ilang buwan bago matapos ang termino ng dating pangulo, sinabi ng Commission on Audit (o COA) na may mga deficiencies o pagkukulang ang DOH sa paggamit ng pondo. Pinakamalaking puna ng komisyon ang paglilipatng 47.6 bilyong piso sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (o PS-DBM) nang walang karampatang mga dokumento. Ang PS-DBM naman ang nakipag-transaksyon sa Pharmally. Umugong tuloy ang mga alingasngas ng katiwalian. Nanindigan si dating Pangulong Duterte na imposibleng magkaroon ng nakawan sa paggamit ng bilyun-bilyong pisong COVID-19 funds. Nagbanta siyang magre-resign noon kung mapatutuyang may kurapsyon daw na nangyari.
Dalawang Lunes na ang nakararaan nang talakayin muli ang COVID-19 funds sa Mababang Kapulungan ng Kogreso. Dinidinig kasi noon ng House Committee on Appropriations ang budget performance ng DOH at PhilHealth. Mismong ang dating kalihim ng DOH na si Francisco Duque III ang nagsabing may basbas ni Pangulong Duterte ang paglilipat ng malaking bahagi ng COVID-19 funds sa PS-DBM. Siya raw ang nag-utos. Matatandaang humaharap sa mga kasong graft si Ginoong Duque at iba pang dating opisyal ng PS-DBM para sa sinasabing iligal na paglilipat ng pondo ng DOH.
Dahil sa pag-aming ito ng dating kalihim ng DOH, sinabi ni dating Senador Richard Gordon, na nanguna noon sa imbestigasyon tungkol sa mga kontrata sa Pharmally, na hindi mangyayari ang iligal na paglilipat ng pondo kung wala si dating Pangulong Duterte. “Duterte started the wheels of corruption,” giit niya. Anong say ninyo rito, mga Kapanalig?
Hindi maikakailang malaking hamon sa ating bansa ang pandemya, at sinukat nito ang kakayahan o husay ng ating gobyerno. Kaya kung totoo ang mga akusasyon ng katiwalian sa paggasta ng bilyun-bilyong pondo ng bayan, tila sinamantala ng mga ganid ang sitwasyong iyon. Patuloy ang pagdinig sa mga kasong isinampa laban sa mga opisyal na inasahan noong pangasiwaan ang pondong para sana sa maagap na pagtugon sa pandemya. Mapanagot sana ang mga dapat managot.
Ang pagpapanagot sa mga tiwali sa pamahalaan ay bahagi ng tinatawag na government accountability. Bilang paalala sa mga mananampalataya pagkatapos ng eleksyon noong 2022, sinabi noon ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na magkakaroon ng government accountability kung igigiit nating mga mamamayan ang ating karapatan sa tamang impormasyon mula sa gobyerno, dekalidad na serbisyo publiko, at malinis na pamamahala. Kaya naman, huwag sanang mabaon sa limot ang isyu ng Pharmally. Napakalaking halaga ng pera—perang mula sa ating buwis at mula sa mga inutangan ng dating administrasyon—ang nakataya. Maraming pakinabang ang napakawalan kung mapatutunayang napunta ito sa bulsa ng mga magnanakaw. Dapat ding panagutin ang mga hinayaang mangyari ito.
Mga Kapanalig, nakapapagod pero subaybayan natin ang mga isyu ng katiwalian sa pamahalaan. Kung mawawalan na tayo ng pakialam sa kontrobersyal na kaso ng Pharmally—at hahayaan nating makalusot ang mga nasa likod nito—lagi na lang tayong pagnanakawan. Tandaan natin: ang katiwalian, wika nga sa Deutoronomio 16:19, ay “bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid.”
Sumainyo ang katotohanan.