1,469 total views
Patuloy ang panawagan ng grupo ng makakalikasan na manindigan para sa karapatan at pangangalaga sa inang kalikasan.
Ito ang mensahe ni Alyansa Tigil Mina National Coordinator Jaybee Garganera ngayong Bagong Taon bilang na panawagan sa mamamayan na makibahagi sa pagtugon sa pagpapanatili at pangangalaga sa kapaligiran.
Ayon kay Garganera, mahalaga ang maging mapagmatyag at pagkakaroon ng bukas na isipan hinggil sa iba’t ibang krisis na pumipinsala sa mga pinakakaingatang likas na yaman ng bansa.
“Seryosong paalaala, ito ay para sa lahat ng tao lalo na doon sa mga apektadong komunidad. Ito po ‘yung panahon na kailangan nating i-angat ‘yung ating kaalaman, pang-unawa, at ‘yung ating kakayahan para tumugon kung may hamon pong hinaharap na masisira yung likas-yaman o katubigan,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Sa Pilipinas, higit na apektado ng mga pagbabago ng kapaligiran ang mga katutubong komunidad na sapilitang pinapaalis upang ang kanilang lupaing ninuno ay gawing lugar ng pagmimina at iba pang proyekto.
Dahil sa pagsisikap na mapangalagaan ang kanilang teritoryo, karamihan sa mga katutubo na likas na tagapangalaga ng kalikasan ang nakakaranas ng pang-aabuso at pagbabanta mula sa mga malalaking kumpanya.
Iginiit ni Garganera na bagamat mapanganib, ang katangiang ipinapakita ng mga katutubo ang magandang tularan ng bawat isa bilang paninindigan ng pangangalaga at pagmamalasakit sa inang kalikasan.
Hinikayat naman ng opisyal na bukod sa pagiging bahagi ng pagtatanggol sa kalikasan, higit ding mahalaga ang paghingi ng gabay mula sa Panginoon upang magampanan ang pagiging tagapangasiwa ng sangnilikha ng Diyos.
“Palagay ko po ay huwag tayong matakot. At maging handa tayo na pag-aralan, makialam, at makilahok doon sa mahahalagang gawain kasama na rin po, dapat manalangin tayo at maging bahagi nung ating panalangin na sana magkaroon tayo ng tamang gabay sa kaisipan at sa ating mga saloobin, sa ating nararamdaman para tayo’y mga maging responsableng tagapangasiwa o stewards ng ating kalikasan,” ayon kay Garganera.
Batay sa ulat ng Kalikasan People’s Network for the Environment, hindi bababa sa 10-land at environmental defenders sa bansa ang pinaslang sa taong 2022.
Nananatili pa rin ang Pilipinas sa ikaapat na bilang sa mga pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.