203 total views
Hindi na ikinagulat ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care Executive Secretary Bro. Rudy Diamante ang pagkapasa sa 3rd and final reading ng House Bill 4727 o panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Lubos na ikinababahala ni Diamante ang pananaig ng pansarili at political interes ng mga mambabatas kaysa sa kanilang sinumpaang tungkulin sa taumbayan.
Iginiit ni Diamante na walang ‘substantial reason’ ang mga mambabatas na bumoto pabor sa pagbabalik ng Death Penalty sa halip ay sumusunod at nakikiisa lamang sa kagustuhan ng kanilang pinuno.
“Inaasahan naman natin ito na talagang ganyan, nakalulungkot na pinagsumikapan natin na mag-campaign para bomoto sila according to their conscience pero napaka-lakas ng puwersa ng interes. I think they passed the bill based on g personal interest, walang ‘substantial reason’ for restoring the death penalty”.pahayag ni Diamante sa panayam sa Radio Veritas.
Gayunpaman patuloy na umaasa ang Simbahang Katolika na mas maraming mga Senador ang tututol sa naturang panukalang batas na inaasahan ring magbabalik sa kultura ng kamatayan sa ating bansa.
Pagbabahagi ni Diamante, patuloy ang mga isinasagawang pakikipagpulong ng CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kasama ang ilan pang mga grupong tutol sa death penalty upang kumbinsihin ang mga Senador na bomoto batay sa kanilang konsensya at manindigan sa kasagraduhan ng buhay.
“Well kakausapin pa rin natin yung mga Senador isa-isa yan pupuntahan, tutal dalawamput’ apat lang naman yan so kakausapin parin natin sila at papaliwanagan”.pagtitiyak ni Diamante.
Patuloy namang hinihimok ni CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga Pilipino na manindigan sa buhay.
Read: http://www.veritas846.ph/license-to-kill/
(Reyn Letran/Newsteam)