2,252 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng krisis na pinagdadaanan ng ating bayan at ng buong mundo – milyun-milyon ang walang trabaho, nagugutom, at hindi makapag-aral – prayoridad ng ating mga mambabatas na baguhin ang ating Saligang Batas o Charter Change (o mas kilalang Cha-cha). Sa halip na tutukan ang pagbili ng bakuna, nais unahin ng Kongreso na bumuo ng constituent assembly upang amyendahan ang pinakamahalagang batas sa bansa. Ngunit para saan?
Ayon sa mga nagsusulong nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kinakailangang baguhin ang mga istriktong probisyon nito na may kaugnayan sa ekonomiya, gaya ng pagbibigay ng higit na kalayaan sa mga foreigners na mag-negosyo at magmay-ari ng mga lupain sa bansa. Katwiran nila, makatutulong daw ito upang bumangon ang ating ekonomiya dahil mahihikayat nito ang mga negosyante sa bansa.
Para naman sa mga senador na sang-ayon sa Cha-cha, hindi lang ang probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas ang dapat baguhin; kinakailangin ding palitan ang probisyon sa “democratic representation.” Bagaman hindi dinetalye ng mga senador ang ibig nilang sabihin sa kanilang panukala, ibinunyag ni Senate President Vicente Sotto III ang kahilingan ng Pangulo na buwagin ang partylist system sa bansa dahil ‘di umano’y pinasok na raw ito ng mga komunista.
Marami ang nababahala sa panukalang ito sapagkat kung matuloy ang pagbuo ng constituent assembly at gumulong ang proseso ng Cha-cha, maaaring galawin ng mga mambabatas ang kahit anong probisyon sa Saligang Batas. Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng pangulo at ng kalahati ng kamara, marami ang natatakot sa posibilidad na gamitin ang Cha-cha upang ipagpaliban ang eleksyon sa 2022 at mapahaba ang termino ng mga kasalukuyang nakaluklok. Maliban dito, isa ring tanong kung tama bang buwagin ang partylist sa bansa? Ano ang ipapalit dito at paano matitiyak ang representasyon sa ilalim ng ating demokrasya?
Bagaman pinahihintulutan ang pagpapanukala ng Cha-cha at legal ang pagbuo ng constituent assembly upang baguhin ang Saligang Batas, mahalagang sipatin ang layunin at timing ng pagsusulong nito. Sa pagtitimbang ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, hindi kailangan na palawigin ang kalayaan ng mga foreigners sa bansa. Kinumpara niya ang pagbuhos ng foreign direct investments sa mga karatig nating bansa sa kabila ng pagkakatulad natin ng batas sa pagmamay-ari at pagne-negosyo ng mga dayuhan sa bansa. Aniya, ang pagkakaroon ng rule of law o ang maigting na pagpapatupad ng mga batas ang higit na makahihikayat sa mga negosyante. Samakatuwid, kailangan nga ba ang Cha-cha para muling buhayin ang ekonomiya at magdulot ng trabaho sa mga apektado ng pandemya? O sinasangkalan lamang ang dahilang ito upang makapag-sulong ng mga pansariling interes?
Malinaw ang turo ng Simabahan, “Ang tunay na demokrasya ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa mga proseso ng batas, ngunit ito’y bunga ng pagsasakatuparan sa pulitikal na buhay ng pagpapahalaga sa dignidad ng tao, respeto sa mga karapatang pantao, at pagkamit sa kabutihang panlahat o common good.” Ibig sabihin, ano mang hakbang ng mga nasa posisyon ay dapat nakatuon sa ikabubuti ng mga tao. Ang taumbayan ay una sa lahat, hindi ang pansariling interes.
Mga Kapanalig, ayon nga sa aklat ng Mga Kawikaan 15:27, “Ang gahaman ay nauuwi sa kaguluhan…” Bilang mga mamamayan at Kristiyano, tungkulin nating makilahok sa pulitika at siguruhing hindi taumbayan ang matatalo sa isinusulong na Cha-cha. Magtanong at busisiin natin ang bawat proseso at katwirang ihahain sa atin ng mga mambabatas. Makilahok tayo at iparinig natin ang ating boses. Minsan ngang sinabi ni Pope Francis, “Ang mabuting Katoliko ay nakikialam sa pulitika, ibinabahagi ang kanyang sarili, nang makapamuno ang mga namumuno.” Sa huli, tunay ngang ang pakikilahok ay isa sa mga pinakamatataas na porma ng kawang-gawa.