359 total views
Ang pagpapabakuna lalo na sa panahon ng pandemya ay maituturing na isang ‘moral obligation’ para sa kabutihan ng mas nakararami.
Ito ang paalala ng Jesuit Priest at Doktor na si Fr. Manuel Perez, MD, SJ – Bioethics Professor sa Ateneo de Davao University at chairman ng University Clinics Ateneo de Davao sa panayam ng Veritas Pilipinas kaugnay sa pangunguna ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccine.
Ayon sa Pari, ang pagpapabakuna ng Santo Papa ay isang paraan upang mahikayat ang bawat isa na magpabakuna para sa kabutihan ng mas nakararami.
Ipinaliwanag ni Fr. Perez na hindi dapat basta maniwala ang sinuman sa iba’t-ibang haka-haka patungkol sa COVID-19 vaccine.
Pinayuhan ni Fr. Perez ang mamamayang may agam-agam sa bakuna na magsaliksik upang maunawaan ang kahalagahan at layunin nito na higit na maprotektahan ang bawat isa mula sa nakahahawa at nakamamatay na Coronavirus Disease 2019.
“Ang pagpapabakuna is a moral imperative kaya’t ang Santo Papa ay siya mismo ay nanguna na para magpabakuna. Maraming mga haka-haka tungkol sa bakuna tulad ng hindi ito safe, na kung saan saan ito nanggaling pero it serves the common good, the common denominator here is the common good na ito ay may lunas pangkalahatan, na maraming tao ang makikinabang sa pamamagitan ng pagbabakuna kaya the Holy Father himself he is encouraging us to be vaccinated. It is a moral imperative; it is a moral obligation of society and the government that all its people are vaccinated…”pahayag ni Fr. Perez sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit naman ng Pari na dapat na sundin ng pamahalaan ang ‘principle of distributive justice’ sa pamamahagi ng bakuna para sa COVID-19.
Binigyan diin ni Fr. Perez na mahalagang unahin sa pagbabakuna ang mga mahihirap at mga matatanda na pinakalantad sa pagkahawa sa COVID-19.
“Para sa akin yung idea of vaccination when we receive a vaccine we’d follow the principle of distributive justice, so unang-una muna ang talagang nararapat tumanggap ng mga bakuna ay mga mahihirap, tapos simula sa mahihirap mauuna muna yung mga matatanda kasi sila yung prone, sila yung ang kanilang resistance to the disease, to the virus is not as strong sa mga younger ones…”pagbabahagi ni Fr. Perez
Naunang kinumpirma ni Matteo Bruni, Director ng Holy See Press Office na nabakunahan na ng 1st dose ng COVID-19 vaccine sina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict the 16th bilang pananggalang mula sa nakakahawang virus.
Samantala sa Pilipinas, hinakayat rin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Office on Bio-Ethics ang mga mananampalataya na magpabakuna upang mapangalagaan ang sarili at kapwa mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.