156 total views
Pinangangambahan ng isang pari ang naka – ambang pamumuno ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay (SILAI) Sikap – Laya Inc. lead convenor Rev. Father Pete Montallana, hindi lihim na si Lopez ay galing sa isang angkan ng mga negosyante at head rin ng Pasig River Rehabilitation Commission na nagpalikas sa mahigit 126 na pamilya sa Brgy. Talayan, District 1, Quezon City.
Naniniwala si Father Montallana na pahihirapan lamang muli ni Lopez ang kalagayan ng mga maralitang taga – lungsod dahil pinapaburan lamang nito ang interes ng mga mayayamang negosyante sa bansa.
“Yun ang danger, siya ang na in – charge dun sa Pasic River Rehabilitation Commission (PRRC) siya ang namumuno diyan. Gaano karaming mga urban poor ang dadanasin ang ganoong klaseng pakikitungo sa tao. With that ang apprehension ko sa mga katutubo na nasa mga bundok. Does she have the heart para sa mga maliliit? Well she belongs to the big Lopez clan na sila ay nakataas sa lipunan nakababad ba itong mga tao na ito na inappoint ni Duterte dun sa kalagayan ng nakararaming Pilipino,” bahagi ng pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Veritas Patrol.
Nauna na ring binanggit ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na mahigit 50 libong mga informal settler families (ISF’s) sa siyudad ang malapit ng i – relocate upang magbigay daan sa ‘city’s comprehensive infrastructure and resettlement program.’
Patuloy namang iminumungkahi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na mainam na makapagtayo ng “in City relocation,” para sa mga urban poor upang hindi sila mapalayo sa kanilang trabaho at pangunahing pangangailangan.