180 total views
Inirekomenda ni Apostolic Vicar ng Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo sa Duterte administration na hindi lamang lupa ang dapat ibigay sa mga magsasaka sa ilalim ng bagong repormang agraryo kundi sapat na support services.
Nilinaw ni Bishop Arigo na mas mainam ding bigyan ng sapat na kapital ang mga magsasaka upang mas lalo nilang mapalago ang kanilang lupang sakahan.
Ipinanawagan rin nito na gawing komprehensibo ang paglalatag ng mga proyekto na mapapakinabangan ng mga magsasaka.
“Kailangan na comprehensive yung plano para talagang matulungan yung mga magsasaka. At the moment ‘yung mga magsasaka ngayon na talagang may lupang sinasaka ‘yan ang kanilang problema ‘capital.’ Kung paano gagawing productive yung lupa, yung mga seeds na gagamitin, lalong – lalo na yung dapat i – improve dun yung mga farming na hindi organic na nakadepende sa farm inputs kaya mahal yung fertilizers,” pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Kinakailangan rin ayon kay Bishop Arigo na subaybayan ng pamahalan ang pre at post-harvesting facilities ng mga magbubukid sa bansa.
“Hindi lang sapat na ibigay yung lupa, nakatiwangwang wala namang capabilities yung mga farmers. Mas magiging productive ‘yung mga pre at post-harvest facilities kailangang i – plano rin ng maayos ‘yun na talagang matulungan ‘yung flight ng ating mga farmers,” banggit pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Lumalabas sa mga datos na 70 porsyento ng mga mahihirap na Pilipino sa bansa ay mula sa mga rural areas na malaki ang bilang ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa huling pag – aaral ng Philippine Statistics Authority, 38.3-porsyento ng nakararanas ng kagutuman ay mga magsasaka.
Nitong Abril lamang ng taon ay ini – alay ng kanyang Kabanalan Francisco ang kanyang prayer intention para sa mga magsasaka sa buong mundo na patuloy na nagugutom.