268 total views
Ang pagsirit o biglaang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 hindi lamang sa ating bansa kundi sa maraming mga bansa pa sa mundo ay nagpapakita sa atin ng kahalagahan ng bakuna at ng equitable at mabilisang distribusyon nito. Kahit pa bakunado na ang maraming mga tao sa mga nakaka-angat na bansa, nakikita natin na hindi ligtas ang buong mundo hanggang hindi ligtas ang bawat isa sa atin.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang vaccine equity ay ang pangunahing hamon ng ating panahon, at dito, pumapalya tayo.
Tinatayang mahigit kumulang 832 milyong vaccine doses na ang naturok sa buong mundo, at 82% nito ay napunta sa mga mayayamang bansa habang 0.2% ang napunta sa mga mahihirap na bansa. Sa mga high-income countries sa buong mundo, isa sa apat na tao ay nabakunahan na, habang sa mga maralitang bansa, karaniwang nasa isa sa 500 lamang. Sa Asya naman, mayroong mga bansa na mataas na ang vaccination rate gaya ng Tsina, pero kalahati pa lamang ng mga ekonomiya sa rehiyon ang nakaturok na ng 15 vaccine doses kada 100 tao. May ibang bayan, mas kaunti pa.
Kaya nga’t patuloy na kumakalat ang COVID-19 sa buong mundo. Ngayon nga ang mga bagong mutations nito ang dahilan ng mga panibagong pagsirit ng mga kaso. Kapanalig, hangga’t hindi equitable ang distribusiyon ng bakuna, walang ligtas kahit isa sa atin. Ngayon nga, marami ang nagsasabi na matapos kunin ng COVID-19 ang maraming mga elderly nuong unang pagsirit ng mga kaso, bumabalik ito ngayon para kunin ang mga bata. Nakakatakot, oo, pero nakikita natin ngayon na pabata ng pabata ang ang mga biktima ng sakit na ito, at malaking porsyento sa kanila, hindi bakunado.
Kapanalig, hawak na ng mundo ang mga sandata laban sa pandemya—ang bakuna, ang mga health protocols—kaya lamang, ang mga sandatang ito ay hindi lahat nababahagi at nasusunod ng karamihan. Ang bakuna, kapanalig, ay makapangyarihan. Ngunit kung hanggang sa piling tao lamang napupunta ito, darating ang panahon na mismong ang sandatang ito ay magiging inepektibo na sa mga panibagong variants na susulpot sa ating mundo. Walang katuturan ang pagkamkam ng bakuna dahil hangga’t hindi ligtas ang bawat isa sa atin, wala ni isa sa atin ang maliligtas. Patuloy na kakalat ang sakit.
Ang Quadregisimo Anno ay nagsasabi sa atin na ang yaman na bunsod ng socio-economic developments ay dapat maipamahagi sa lahat ng indibidwal at klase sa lipunan upang lahat ay makinabang at ating matiyak ang kabutihan ng sanlibutan. Makikita ang ehemplo na ito ng pagmamahal sa kapwa, ayon naman sa Fratelli Tutti, sa kabayanihan ng mga frontliners sa ating paligid, ang mga doctor, mga nurses, mga pharmacists, mga nagtitinda at supermarket workers at iba pa, na nagtataya ng kanilang buhay at ngayon ay humuhulma ng ating kasaysayan. Sa kanilang mga kilos, ating makikita na tunay nilang nauunawan na “Walang sinuman ang naililigtas, mag-isa” (No one is saved alone).
Sumainyo ang Katotohanan.