384 total views
Ikinatuwa ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. ang kasong perjury na isinampa laban kay Peter Joemel “Bikoy” Advincula.
Hangad ni Bishop Bacani na kabilang sa pinangalanan ni alyas Bikoy na bahagi sa Project Sodoma o pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte na malaman ang mga taong nasa likod ni Advincula na nagpapalaganap ng kasinungalingan.
“Natuwa ako at may nag-file ng perjury case kay Bikoy; nais ko sana mapalitaw kung sino ang nasa likod ni Bikoy, sino ang nagbayad o nagsulsol sa kanya para magsinungaling at paratangan kami,” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Una ng nagpalabas ng warrant of arrest ang Manila Metropolitan Trial Court laban kay Advincula dahil sa kasong ‘perjury’ na inihain nina Atty. Jose Manuel Diokno, Lorenzo Tañada III at Theodore Te na pawing mga kasapi ng Free Legal Assistance Group (FLAG).
Sa pahayag naman ni Justice Assistant State Prosecutor Ferdinand Fernandez sinabi nitong malinaw na kasinungalingan ang mga pahayag ni Advincula sa alegasyong Project Sodoma na isinagawa sa Ateneo de Manila University sapagkat ang binanggit na araw ay ginanap din ang “The Leader I Want Senatorial Forum.”
Ayon pa kay Bishop Bacani, dapat panagutan ni alyas Bikoy ang kanyang pagsisinungaling sa publiko at mabigyang katarungan ang mga personalidad na idinadawit sa kasong inciting to sedition, sedition at iba pa na isinampa ng PNP-CIDG batay sa mga pahayag ni Advincula subalit ipinawalang bisa ito ng DOJ noong Pebrero 2020.
“Dapat talaga panagutan ni Bikoy ang pagsisinungaling niya kasi under oath yung mga sinabi niya,” giit ni Bishop Bacani.
Bukod kay Bishop Bacani, kabilang din sa sinampahan ng kaso noon sina Bishop Pablo Virgilio David, Bishop Honesto Ongtioco, Archbishop Socrates Villegas, ang mga paring sina Fr. Flaviano Villanueva, SVD, Fr. Albert Alejo, SJ at Fr. Robert Reyes.
Sinampahan din sina Vice President Leni Robredo at ilang personalidad ng oposisyon at mga human rights advocates.