129 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang ensiklikal na Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na naniniwala siyang ang pulitika, sa kabila ng mababang pagtingin dito ng marami, ay nananatiling isang matayog na bokasyon. “A lofty vocation,” sabi niya. Ito rin ang isa sa mga pinakamataas na paraan ng paghahatid ng malasakit o charity dahil nakatuon ito sa kabutihang panlahat o common good.
Nakalulungkot na sa ating bayan, ang pulitika ay nakikita bilang larangan kung saan nag-aagawan sa kapangyarihan ang mga taong may kani-kaniyang interes. Itinuturing nila ang pagkakaroon ng posisyon sa pamahalaan bilang paraan upang makontrol ang mga tao, ang sistema, at ang mga batas para sa kanilang sariling kapakanan. Ang pagpasok sa pulitika ay nakikitang tulong sa pagpapalawak ng kanilang negosyo at mga koneksyong magbibigay sa kanila ng dagdag na kayamanan.
Siyempre, hindi ito lantarang sasabihin ng ating mga pulitiko, at hindi rin naman lahat ng mga kandidato sa darating na halalan ay ganito ang pagtingin sa pulitika. Ngunit nitong mga nakalipas na araw, habang papalapit ang pagtatapos ng panahong pinapayagan ang substitution sa mga nauna nang naghain ng kanilang kandidatura, nakita natin kung paanong tila ba pinaglalaruan na lamang ng ating mga pulitiko ang pulitika sa ating bansa.
Nariyang ang mga nagsabi noong wala silang planong tumakbo para sa pinakamatataas na puwesto sa pamahalaan ay lumipat sa ibang partido upang maging standard bearers nito sa eleksyon. Bumubuo ng alyansa ang mga pulitikong sangkot sa iba’t ibang katiwalian at nakikinabang sa yamang ninakaw ng kani-kanilang pamilya. Nagsama-sama ang mga pulitikong napatunayang kinurakot ang pera ng taumbayan. Pinalalabas pa nilang nagsisiraan sila at naghihilahan pababa, ngunit sa katunayan, magkakakampi rin naman sila sa pagtatakip sa kani-kanilang kasalanan sa bayan at sa pagprotekta sa kanilang mga interes. Kitang-kita nga natin sa uri ng pulitika sa Pillipinas na “there are no permanent enemies, and no permanent friends, only permanent interests.”
Ang nakalulungkot at nakapanghihina ng loob, marami sa atin ang tila ba bulag sa mga maling malinaw na ginagawa ng mga pulitiko. Ang mga pulitiko pang ito ang nananatiling populár at nangunguna sa mga survey at masasabing may hatak sa mga tao. Sadya nga bang makakalimutin tayong mga Pilipino? Bakit kaya may mga umiiidolo sa mga magnanakaw, tiwali, at kumikiling sa karahasan at pagpatay? Bakit natin hinahayaan lamang ang mga pulitikong napatunayang sangkot sa kurapsyon na muling bumalik sa pamahalaan? Bakit kaya marami sa atin ang walang nakikitang mali sa marangyang pamumuhay ng mga pulitiko—sumasakay ng pribadong jet, naninirahan sa malalaking mansyon, at may malalawak na lupain—habang ang kanilang mga dapat pinaglilingkuran ay nagdidildil ng asin, nanlilimos sa lansangan, at walang matawag na sariling tahanan.
Ang patuloy na paglalaro sa pulitika ay salamin din marahil ng pagpapahalaga nating mga mamamayan sa pulitika. Siguro ay nasanay na tayo sa uri ng pulitikang pinatatakbo lamang ng iilan, pulitikang ginagamit para sa mga makikitid na interes. Siguro ay hindi rin natin nakikita kung gaano kahalaga ang pagkakaroon ng pulitikang dapat nilalahukan ng lahat, pulitikang naglilingkod sa mga tao. Samakatuwid, sa atin din dapat nagsisimula ang pagbabagong gusto nating makitang mabago sa ating pulitika.
Mahirap ito. Kailangan nito ng malalim na pagbabago sa ating sistema ng edukasyon. Kailangan nito ng pagbabago sa ating kalooban upang lumabas sa ating mga nakasanayan. Kailangan nito ng pagtataya sa bayan at sa ating kapwa.
Mga Kapanalig, wika nga sa Filipos 3:20, “tayo ay mga mamamayan ng langit.” Pinahihiwatig din nitong ang kalagayan natin ay nakasalalay sa kung paano tayo nagiging mamamayan sa ating bayan. Magiging mamamayan tayo ng langit kung magiging tapat tayo sa ating mga tungkulin, simula sa pagpili ng mga karapat-dapat na lider ng bansa.
Sumainyo ang katotohanan.