218 total views
Simbolo ng dahas at takot sa halip na seguridad at proteksyon.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos,chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippine Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ito na ngayon ang imahe ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagkakasangkot sa sunud-sunod na paspalang sa kampanya kontra iligal na droga.
Iginiit ni Bishop Santos na dahil sa “war on drugs campaign ng administrasyong Duterte ay baligtad na ngayon ang sitwasyon sa Pilipinas kung saan ang mga pulis na ang siyang dapat ipapulis, iniimbestigahan at usigin.
Sinabi ng Obispo na nawala na sa mga miyembro ng P-N-P ang mandato na “to serve and protect”.
Inihayag ni Bishop Santos na ang presensiya ng mga pulis ay nagdudulot ng takot sa mamamayan na nagbabadya ng karahasan at kamatayan.
“Now it should be the police to be policed, investigated and prosecuted. With their oplans tokhang and double barrel, they become heartless, and lost their mandate to protect and to serve. They have sowed fear among us, and distrust as their presence connotes incoming violence or death,” pahayag ni Bishop Santos.
Sa ulat ng PNP, bagamat bumaba ng 9.8 porsiyento o 61,409 ang insidente ng krimen sa bansa sa unang taong panunugkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tumaas naman ng 22.75-porsiyento ang mga nagaganap na patayan sa kampanya kontra iligal na droga.
Kaugnay nito, sa datos ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) humigit kumulang 12-libo na ang mga nasawi sa war on drugs campaign ng pamahalaan kabilang na ang mga pinaniniwalaang napaslang ng mga vigilante.
Matapos ang pagpatay sa binatilyong si Kian Lloyd Delos, mababatid na muli na namang nasa kontrobersiya ang Caloocan Police dahil sa kaso ng pagpatay sa 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz na sinasabing tinorture at natagpuang wala nang buhay.
Una nang kinondena ng mga Obispo ng Simbahang Katolika ang hakbang na ginagawa ng gobyerno sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot at ang karahasan na umiiral sa bansa na patuloy na kumikitil ng mga inosenteng buhay.
Read: Layko, hinimok ng CBCP na manindigan laban sa karahasan