234 total views
Kinakailangang maging tapat ang pulisya sa kanilang tungkuling maglingkod, protektahan at pangalagaan ang publiko upang paniwalaan ng mamamayang Pilipino.
Ito ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs dahil sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagpaslang partikular sa kaso ni Kian De Los Santos at Carl Angelo Arnaiz na pinaghinalaan namang holdaper.
“The Police has always been the subject of stigma even before. No amount of crying will change the perception that they are involved in some killings. If they want the public to believe them, they should be true to their calling, “to serve and protect” and not “to seek and destroy” life,” ayon kay Fr. Secillano.
Ang kasong pagpatay kay Kian at Carl ay sentro sa kasalukuyan ng Senate inquiry.
Ayon pa sa pari, bagama’t matagal nang usapin ang pagkakasangkot ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa katiwalian maging sa pagpaslang ay hindi mababago ang kanilang masamang imahe kung hindi isasakatuparan ang sinumpaang tungkulin bilang tagapangalaga ng katiwasayan at kaligtasan ng mamamayan.
Sa isinagawang pagdinig sa Senado, muling lumuha si PNP Chief Ronaldo Dela Rosa at iginiit na hindi polisiya ng PNP ang pagpatay lalu na sa kampanya kontra iligal na droga.
Iginiit ni Dela Rosa na hindi lahat ng pulis ay tiwali kundi nagsaksakripisyo rin ng buhay para sa mamamayan.
Ang PNP ay binubuo ng 175 libong pulis para pangalagaan ang kabuuang 100 milyong populasyon ng bansa.
Iginiit ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang paninindigan ng Simbahan sa laganap na pagpaslang ay hindi pagkondena sa mga pulis kundi paalala sa buong institusyon sa iniatang sa kanilang tungkulin bilang tagapagligtas ng mga mahihina.
Nanawagan din si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa mamamayan na manindigan laban sa pang-aabuso ng mga otoridad.