195 total views
Umaapela ng tulong si Prelature of Batanes Bishop Camilo Gregorio matapos manalasa ang bagyong Ferdie sa kanilang lalawigan.
Sa mensaheng ipinadala ni Bishop Gregorio sa mga Obispo at mga institusyon ng Simbahang Katolika, inihayag nito ang malaking pinsala ng bagyong Ferdie sa mga kabahayan at mga Simbahan sa Batanes.
Sa kabila ng pinsala, ipinagpasalamat ni Bishop Gregorio na walang nasawi sa mga residente sa pananalasa ng bagyo.
Kinumpirma naman ng Obispo na sa kasalukuyan ay hirap pa rin ang komunikasyon sa lalawigan at wala pang dumarating na tulong mula sa gobyerno para sa nasalanta ng bagyong Ferdie.
Nanawagan ang Obispo sa iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika na tulungan sila sa pagbangon at ipinalangin mula naman sa posibleng epekto ng bagyong Gener.
“All lines of Communication down except cellphone signal in and only in town of Uyugan. I am texting from there. We are devastated by super typhoon Ferdie. Thank God no casualties but severe structural damages. The Cathedral and rectory destroyed. Houses and buildings are damaged. We are safe but suffering. Financial aid needed. We appeal to NASSA, Caritas Manila, And to all Bishops. All flights cancelled because of another typhoon Gener coming our way. Please pray for us, we are still surviving. No government assistance at all,”apela ni Bishop Gregorio.
Sa datos ng National Statistics Office, ang Batanes ay mayroong mahigit sa 17-libong populasyon.
Magugunitang ang bagyong Ferdie ang ika-6 na bagyong pumasok sa Philippine Area of Responsibility(PAR) ngayong taong 2016 habang ang bagyong Gener naman na kasalukuyang kumilos pa hilagang kanluran ay nagbabanta din sa Batanes.