337 total views
July 22, 2020, 12:28PM
Nakiisa at nakiramay ang Aid to the Church in Need sa mga kaanak at sa Prelatura ng Marawi sa pagpanaw ni Rev. Fr. Teresito Soganub.
Ikinagulat ni Jonathan Luciano, National Director ng ACN-Philippines ang biglaang pagpanaw ng pari nitong umaga ng ika – 22 ng Hulyo dahil sa cardiac arrest.
“Nakalulungkot talaga ang nangyari kay Fr. Chito pero kaisa kami ng sambayanang Filipino sa pagdarasal para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa at patuloy na nagpapasalamat sa pagbabahagi ng kanyang buhay sa lahat,” pahayag ni Luciano sa panayam ng Radio Veritas.
Sa Facebook post ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña, ibinahagi nito ang malungkot na balitang pagpanaw ni Fr. Soganub sa kanyang tahanan sa Noralah, South Cotabato dahil sa atake sa puso habang natutulog.
“It is with great sadness that we make this announcement, in behalf of the Prelature of Marawi. OUr dealy beloved Fr. Teresito Soganub died of cardiac arrest in his sleep early this morning July 22, 2020 in his home in Noralah, South Cotabato,” bahagi ng anunsyo ni Bishop Dela Peña.
Matatandaang si Fr. Soganub ang pari na kabilang sa dinukot ng teroristang Maute sa St. Mary’s Cathedral sa Marawi City nang sumiklab ang kaguluhan sa lugar noong Mayo 2017 na tumagal ng limang buwan.
Naging bihag si Fr. Soganub ng mga terorista sa loob ng 117 araw at tuluyang nakalaya nang matakasan ang teroristang grupo at sa tulong ng mga sundalo.
Ibinahagi pa ni Luciano na naging katuwang ng ACN si Fr. Soganub sa pagpapalaganap ng mga tunay na nangyari sa Marawi siege upang higit na maunawaan ng mamamayan ang sitwasyon sa Islamic City at makapagbalangkas ng mga hakbang upang hindi na maulit ang insidente.
Hinahangaan din ni Luciano ang ipinamalas na katapangan ng pari sa pagharap sa pinakamapanganib na sitwasyon sa kamay ng mga terorista at nanatiling kumakapit sa pananalig sa Diyos.
“Marami ang na-inspire sa istorya ng katapangan ni Fr. Chito at tunay na nagpapasalamat tayo sa naibahagi satin; he shared his story of faith and courage and he remained really faithful to the Lord despite the many things that had happened to him,” dagdag ni Luciano.
Bukod dito kaisa rin si Fr. Soganub sa programa ng ACN na Red Wednesday campaign na ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahai ng mundo bilang pagpupugay sa mga Kristiyanong nakararanas ng mga pang-uusig dahil sa pagtatanggol ng pananampalataya at sa programang Duyog Marawi na naglalayong muling ibangon ang lungsod.
Si Fr. Soganub ay nagsisilbing chancellor sa Prelatura ng Marawi at Vicar General naman sa St. Mary’s Cathedral.