646 total views
Problema sa drainage ang dahilan ng pagbaha sa maraming barangay sa Cagayan De Oro City.
Ayon kay Teddy Saguba-a, City Social Welfare and Development Office o CSWD head, ito ay urban flooding at matagal na nilang problema na tuwing may mga pag-ulan, agad napupuno ang mga kanal kayat umaapaw ang tubig.
Sa pagbaha na halos lampas tao, 1, 034 pamilya ang naapektuhan sa 18 barangay sa Cagayan de Oro City dahilan upang isailalim ito sa state of emergency.
Sinabi ni Saguba-a, na nahirapan silang solusyunan ang nasabing problema sa baha dahil na rin sa pulitika sa kanilang lugar na hindi magkakasundo ang mga lokal na opisyal.
Gayunman, sa ngayon, nagkasundo na ang ilan sa mga opisyal na lagyan na ng pondo ang paglilipat sa mga residente na nakatira malapit sa mga creek o drainage at dalhin sila sa mas ligtas na lugar.
“Matagal ng panahon, isa sa problema natin dito ang comprehensive drainage system ng Cagayan de Oro, pinakamatinding challege natin ito lalo na ang iba nating mga kababayan andun na nakatira, tinututukan natin na mailipat sila, hopefully with partnership sa City Council.” Ayon kay Saguba-a
Sa ulat ng Pagasa, hindi na low pressure area (LPA) ang naghahatid ng ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao kundi ang umiiral na cold front na maaaring umabot pa hanggang weekend ang ulan dahil sa makapal na ulap na namataan.
Kaugnay nito, huling namataan ang LPA 70 km Silangan Hilagang-Silangan ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Nilinaw ng Paghasa na hindi na low pressure area (LPA) ang naghahatid ng ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao kundi ang umiiral na cold front.