4,940 total views
Paggunita kay San Roque, nagpapagaling
Ezekiel 16, 1-15. 60. 63
o kaya Ezekiel 16, 59-63
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
Galit ng D’yos ay naparam,
pinatawad n’ya ang tanan.
Mateo 19, 3-12
Memorial of St. Rock (Roque), Healer (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 16, 1-15. 60. 63
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. Sabihin mong ipinasasabi ng Panginoon na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amorreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang.
Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging dalaga. Maganda ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubad.
Nang madaanan kita uli, nakita kong ikaw ay ganap nang dalaga. At ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuutan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. Sinuutan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuutan mo’y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo’y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan pagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.
Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Anupat nabuyo ka sa pagiging patutot at ang sarili mo’y ipinaangkin sa lahat ng makita mo.
Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng tipan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Ezekiel 16, 59-63
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Ilalapat ko sa inyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa inyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng tipan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. Kung magkagayon, maaalaala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila’y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo’y makikilala mong ako ang Panginoon. Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
Galit ng D’yos ay naparam,
pinatawad n’ya ang tanan.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
sa batis ng kaligtasan.
Galit ng D’yos ay naparam,
pinatawad n’ya ang tanan.
Magpasalamat kayo sa Poon
siya ang inyong tawagan;
ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Galit ng D’yos ay naparam,
pinatawad n’ya ang tanan.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal ng Israel.
Galit ng D’yos ay naparam,
pinatawad n’ya ang tanan.
ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13
Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 3-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may mga Pariseong lumapit kay Hesus at tinangkang siluin siya sa pamamagitan ng tanong na ito: “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong kadahilanan?” Sumagot si Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulutan na sa pasimula’y nilalang sila ng Maykapal, lalaki at babae? At sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago hiwalayan iyon?” Sumagot si Hesus, “Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa. Subalit hindi gayun sa pasimula. Kaya sinasabi ko sa inyo: sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anumang dahilan liban sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba, ay nangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya rin.”
Sinabi ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.” Sumagot si Hesus, “Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi yaon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan, dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.