5,043 total views
Sabado ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Ezekiel 18, 1-10. 13b. 30-32
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Mateo 19, 13-15
Saturday of the Nineteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 1-10. 13b. 30-32
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ano ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Ang ama ang kumakain ng maasim na ubas ngunit ang anak ang nangingilo’?”
“Buhay ako,” sabi ng Panginoon, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.”
“Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing pinapanahon. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.
Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at nagpapatubo, palagay ba ninyo’y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.
Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo’t tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay pagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. Hindi ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 18-19
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 13-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Datapwat sinabi ni Hesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos.” Ipinatong niya sa kanila ang kanyang kamay, saka umalis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Lumapit tayo at ipahayag natin nang may pananalig sa Diyos Ama na nagmamahal sa kanyang mga anak ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, mapasaamin nawa ang Iyong mapagpalang kamay.
Ang mga tahanan ng Simbahan nawa’y maitayo sa hindi makasariling pagmamahal at ang mga pamilya nawa’y makilala at maunawaan ang lalim ng pag-ibig nd Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y maging sensitibo sa pangangailangan ng bawat isa at matagpuan ang tunay na kaligayahan sa buhay nilang pinag-isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y pagpalain ang kanilang mga anak ng atensyon, pagkalinga, at pagmamahal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bata at yaong mga mahihina sa ating lipunan nawa’y mabigyan ng suporta ng mga malalakas at nakaririwasa sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makatanggap ng kapayapaang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ang iyong Kaharian ay para sa mga bata at maliliit. Pakinggan mo ang panalangin ng iyong mga anak na nananalig sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.