5,498 total views
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Kawikaan 9, 1-6
Salmo 33, 2-3. 10-11. 12-13. 14-15
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Efeso 5, 15-20
Juan 6, 51-58
Twentieth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Kawikaan 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ng Mga Kawikaan
Gumawa na ng tirahan itong karunungan,
na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay s’ya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
ang mesa ay inihanda, punong-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ay lumapit.”
Sa mga walang muwang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo’t inyong kainin ang pagkain ko,
at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 10-11. 12-13. 14-15
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
Ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Lapit, ako’y dinggin mga kaibigan
at kayo ngayo’y aking tuturuan
na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
Ang buhay masaya at mahabang buhay,
di ba ninyo gustong inyong maranasan?
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Salitang mahalay at pagsisinungaling,
ay dapat iwasan at h’wag banggitin.
Mabuti ang gawi’t masama’y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 5, 15-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigidig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
Huwag kayong maglalasing, sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos kayo ng Espiritu Santo. Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos at Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 6, 56
Aleluya! Aleluya!
Ang sinumang kumakain
sa katawang aking hain
ay nananahan sa akin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 6, 51-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Dahil dito’y nagtalu-talo ang mga Judio. “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” tanong nila. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo, tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya. Buhay ang Amang nagsugo sa akin, at ako’y nabubuhay dahil sa kanya. Gayon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga magulang sa ilang; namatay sila bagamat kumain niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Pinasisigla ng mensaheng buhat sa Salita ng Diyos, dumulog tayo sa Bukal ng lahat ng kabutihan. Idulog natin sa kanya ang ating mga pakumbabang kahilingan:
Hesus, Pagkaing Nagbibigay-buhay, dinggin mo kami!
Para sa buong Simbahang Katolika: Nawa tuwina niyang pakaingat-ingatan ang Eukaristiya bilang Sakramento ng Katawa’t Dugo ng Panginoon, ang Pagkaing Nagbibigay-buhay. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng ating mga pinunong panrelihiyon at pambayan: Nawa paglingkuran nila nang lubos ang bayan ng Diyos para sa kapakanang panlahat. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng kabataan ng ating bayan: Nawa higit nilang mapahalagahan ang Eukaristiya sa kanilang masiglang paglahok sa Misa. Manalangin tayo!
Para sa nakadarama ng pagtanggi, para sa mga maysakit at mga nag-aagaw-buhay: Nawa malasap nila sa Komunyong sakramental ang bukal ng kanilang pag-asa at ang ugat ng buhay na walang hanggan. Manalangin tayo!
Para sa ating lahat na naririto sa pagdiriwang ng Eukaristiya ngayon: Nawa isabuhay natin ang diwa ng ganitong Sakramento sa pamamagitan ng tunay na pagkakawanggawa at lubos na kahandaang tumulong. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng may pa- nunungkulang pampolitika: Nawa’y lagi silang nakatuon sa paglilingkod, at sa pagkilos para sa wastong paglaganap ng lipunan at sa kapakanang pangkalahatan, lalu na sa pangangalaga para sa mahihirap at mga nawalan ng ikabubuhay. Manalangin tayo.
Panginoong Hesus, salamat sa iyong napakahalagang kaloob na Eukaristiya. Nawa’y lagi kaming mamuhay alinsunod sa mensaheng umaabot sa amin sa pamamagitan ng dakilang Sakramentong ito. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!