5,623 total views
Paggunita kay San Ezekiel Moreno, pari
Ezekiel 24, 15-24
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Mateo 19, 16-22
Memorial of St. Ezechiel Moreno, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 24, 15-24
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”
Umaga nang ako’y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos ng Panginoon.
Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ng Panginoon na sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. Sinabi ng Panginoon na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayun, makikilala ninyong ako ang Panginoon.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 18-19. 20. 21
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Tinalikdan nila ang Diyos na lumikha sa kanila,
ang Diyos na sa kanila’y nagbigay-buhay.
Nasaksihan niya ang pagsamba nila sa diyus-diyosan
kaya’t kanyang itinakwil,
sila na itinuring niyang mga anak.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
Sinabi niya, “Tatalikdan ko sila,
tingnan ko lang kung ano ang kanilang sapitin,
pagkat sila’y isang lahing masama, mga anak na suwail.
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
“Pinapanibugho nila ako nang sambahin nila yaong hindi Diyos.
Ginalit nila ako dahil sa kanilang diyus-diyosan.
Kaya, paninibughuin ko rin sila at gagalitin,
sa pamamagitan ng bansang di kumikilala sa akin.”
Ang Diyos ay tinalikdan
ng kanyang mga nilalang.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 16-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, may isang lalaking lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lamang ang mabuti. Kung ibig mong magkamit ng buhay, sundin mo ang mga utos.” “Alin-alin po?” tanong niya. Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; igalang mo ang iyong ama at ina; at, ibigin mo ang iyong kapwa, gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na pong lahat iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin,” sagot ni Hesus. Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata, sapagkat siya’y napakayaman.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Hinahamon tayo ni Jesu-Kristo na ipagpalit ang mga materyal na kayamanan ng mundong ito sa kanyang walang hanggang karunungan. Ang ating mga panalangin nawa’y makatulong sa ating pagpasok sa kanyang Kaharian.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ikaw ang pamana sa amin, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y mapalaya ang mga lalaki at babae sa epekto ng materyalismo at kahangalan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng gobyerno nawa’y huwag isakripisyo ang kanilang prinsipyo sa kapangyarihan, tagumpay, at ambisyon, at sa halip isulong nila ang dangal at halaga ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at mga guro nawa’y hamunin ang mga kabataan na mamuhay sa mga bagay na tunay na makahulugan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong labis ang ari-arian at likas na yaman nawa’y matutong magbahagi ng kanilang yaman at talento sa mga dukha at kapuspalad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y mapuno ng yaman ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, biyayaan mo kami ng katapangan, kasiyahan, pananalig, at karangalan. Gawin mo kaming matalino sa karunungan ni Jesus, siya na nabubuhay at naghahari, kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.