5,712 total views
Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan
Ezekiel 28, 1-10
Deuteronomio 32, 26-27ab. 27kd-28. 30. 35kd-36ab
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Mateo 19, 23-30
Memorial of St. Bernard, Abbot and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 28, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Sinabi sa akin ng Panginoon: “Tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinasasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagamat ang totoo’y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo’y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo’y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo’t kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinasasabi ng Diyos na Panginoon: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipalulusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa lalim na walang hanggan, papatayi’t ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Noon mo malalamang ikaw pala ay tao lamang at may kamatayan. Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong Panginoon ang may sabi nito.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Deuteronomio 32, 26-27ab. 27kd-28. 30. 35kd-36ab
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Ipinasya ko nang sila’y lipulin
at pawiin sa alaala ng madla.
Ngunit di ko tutulutan ang kanilang kaaway
ay maghambog at sabihing:
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
“Kami ang lumupig sa kanila,
at hindi ang Diyos nila.
Mahina ang pang-unawa ng Israel
at sila’y maituturing na bansang mangmang.”
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Paanong ang sanlibo ay matutugis ng isang tao
at mapipigilan ng dalawa ang sampunlibo?
Sila’y pinabayaan ng Diyos na Poon,
itinakwil na sila ng kanilang dakilang Diyos.
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
Darating ang araw ng aking paniningil at paghihiganti,
hanggang sa sila’y humapay at mabuwal
pagkat ang wakas nila ay malapit na.
Ililigtas ng Poon ang kanyang bayan
siya’y mahahabag sa mga maglilingkod sa Kanya.
Nasa pasya ng Maykapal
ang buhay at kamatayan.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 19, 23-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos! At sinasabi ko rin sa inyo: madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila. “Kung gayun, sino po ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: kapag nakaluklok na ang Anak ng Tao sa kanyang maringal na trono sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang magtiis na iwan ang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap ng makasandaang ibayo, at pagkakalooban ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming una na magiging huli, at maraming huli na magiging una.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Manalangin tayo sa Diyos Ama para sa katatagan na mapaglabanan ang tuso ng materyal na bagay at kasiguruhan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan Mo kaming ituon ang aming mga puso sa Iyong kaharian.
Ang Simbahan nawa’y magbigay saksi sa halaga ng makalangit na Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mauunlad na bansa nawa’y magbahagi ng kanilang likas na yaman sa mga mahihirap na bansa, at huwag nila silang pagsamantalahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong namumuhay sa karangyaan nawa’y maging matalino sa paggamit ng kanilang kayamanan ayon sa diwa ng pagbabahagi at pagmamahal, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga matatanda, dukha, at maysakit nawa’y maipakita natin ang ating pagkalinga at habag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makibahagi sa kayamanan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang mithiin ng iyong bayan. Mapuno nawa kami ng karunungan ni Jesus, siya na nabubuhay at naghahari, kasama mo at ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.